1Pagkatapos nito, nakita ko ang isa pang anghel na bumabâ mula sa langit. Makapangyarihan ang anghel na ito at nagliwanag ang buong mundo dahil sa kanyang kaningningan.
2Sumigaw siya nang malakas,
“Bumagsak na!
Bumagsak na ang Dakilang Babilonia!
Ito ngayoʼy lungga na lamang
ng mga demonyo at masasamang espiritu.
Ito ngayoʼy kulungan na lamang
ng mga ibong marurumi
at mga hayop na marurumi at kasuklam-suklam.
3Sapagkat ang mga bansaʼy uminom
ng alak ng kanyang kahalayan.
Ang mga hari sa mundoʼy nakiapid sa kanya.
At ang mga mangangalakal namaʼy yumaman
sa marangya niyang pamumuhay.”
Ang Babala sa Pagtakas sa Hatol para sa Babilonia4Pagkatapos, may narinig akong isa pang tinig mula sa langit na nagsasabi,
“Kayong mga mamamayan ko,
lumayo kayo sa kanya
upang hindi kayo maging bahagi
sa ginagawa niyang kasalanan,
at upang hindi ninyo danasin
ang parusang nakalaan sa kanya.
5Ang bunton ng kanyang kasalanan
ay abot hanggang langit.
At hindi na palalagpasin ng Diyos
ang kanyang kasamaan.
6Gawin ninyo sa kanya
ang ginawa niyang masama sa inyo.
Gumanti kayo nang doble sa kanyang ginawa.
Kung ano ang ginawa niyang masama sa inyo
doblehin ninyo at ibigay sa kanya.
7Kung paanong pinarangalan niya ang kanyang sarili
at namuhay sa karangyaan at kalayawan,
gantihan ninyo siya ng katumbas na kahirapan at kalungkutan.
Sa kanyang puso ay inisip niya,
‘Akoʼy reyna at hindi biyuda,
at hindi ako magluluksa.’
8Dahil dito, sabay-sabay na darating sa kanya
sa loob lang ng isang araw ang mga salot:
mga sakit, pighati, at gutom.
Pagkatapos, susunugin siya,
sapagkat makapangyarihan ang Panginoong Diyos
na nagpaparusa sa kanya.
Tatlong Ulit na Dalamhati sa Pagbagsak ng Babilonia9“Iiyakan at magdadalamhati ang mga hari sa mundo na nakipagrelasyon sa kanya at nakisama sa kalayawan niya kapag nakita nila ang usok ng kanyang pagkasunog.
10Tatayo lang sila sa malayo habang magmamasid sapagkat takot silang madamay sa parusa ng lungsod na iyon. Sasabihin nila,
‘Kahabag-habag! Kahabag-habag ang dakilang lungsod,
ang makapangyarihang lungsod ng Babilonia.
Ang iyong kapahamakaʼy darating
sa loob lamang ng maikling panahon.’
11“Iiyak at magdadalamhati sa kanya ang mga negosyante sa buong mundo dahil wala nang bibili ng mga paninda nila,
12mga panindang ginto, pilak, mamahaling bato, at perlas; mga telang gawa sa pinong lino at seda, at mga telang kulay ube at pula; lahat ng uri ng mababangong kahoy, at mga ibaʼt ibang kagamitang gawa sa pangil ng elepante, mamahaling kahoy, tanso, bakal at marmol.
13Wala na ring bibili ng kanilang mga pabango tulad ng sinamon, pampalasa, kamangyan, at mira; mga alak at langis, harina at trigo; mga baka at tupa, kabayo at karwahe; at mga taong ipinagbibili bilang alipin.
14“Sasabihin ng mga negosyante, ‘Nawala na ang lahat ng bagay na hinangad mo na maangkin. Kinuha na sa iyo ang lahat ng kayamanan at ari-ariang ipinagmamalaki mo, at hindi mo na makikitang muli ang mga ito!’
15Ang mga negosyanteng yumaman dahil sa kalakal nila sa lungsod ay tatayo lang sa malayo dahil takot silang madamay sa parusa sa kanya. Iiyak sila at magdadalamhati,
16at sasabihin nila,
‘Kahabag-habag! Kahabag-habag ang dakilang lungsod!
Dinamitan ka ng telang gawa sa pinong lino,
at mga telang kulay ube at pula,
at napalamutian ng ginto, mamahaling bato at perlas!
17Ngunit sa loob lamang ng maikling panahon,
nawala ang lahat ng kanyang kayamanan!’
“Tatayo lang at magmamasid ang mga kapitan ng barko at ang mga tripulante nila, pati na ang mga pasahero at ang lahat ng mga naghahanapbuhay sa dagat.
18At habang minamasdan nila ang usok ng nasusunog na lungsod, sisigaw sila, ‘Walang katulad ang sikat na lungsod na iyan!’
19At lalagyan nila ng alikabok ang ulo nila habang umiiyak at nagluluksa. Sasabihin nila,
‘Kahabag-habag! Kahabag-habag ka dakilang lungsod.
Sapagkat ikaw ang nagpayaman
sa mga may-ari ng barkong naglalayag doon.
Ngunit sa loob lamang ng maikling panahon,
naranasan mo ang kapahamakan!’
20“Kaya kayong lahat ng nasa langit,
magalak kayo
dahil sa nangyari sa lungsod na iyon.
Magalak kayo, kayong mga propeta,
mga apostol at mga hinirang ng Diyos,
sapagkat hinatulan na siya ng Diyos
sa mga ginawa niya sa inyo!”
Ang Kaganapan ng Pagwawakas ng Babilonia21Pagkatapos, may isang makapangyarihang anghel na kumuha ng isang batong kasinlaki ng malaking gilingan at inihagis sa dagat. Sinabi niya,
“Dahil sa karahasan,
bumagsak ang dakilang lungsod ng Babilonia,
at hindi na siya makikitang muli.
22Hindi na mapapakinggan ang mga tugtuging
mula sa alpa, plauta at trumpeta,
at ang tinig ng mga mang-aawit.
Hindi na matatagpuan doon
ang mahusay na mga manggagawa
ng anumang uri ng gawain,
at hindi na rin maririnig
ang ingay ng mga gilingan.
23Hindi na magniningas para sa iyo,
ang ilaw ng lampara.
Ang masayang tinig ng bagong kasal
ay hindi na mapapakinggan.
Sa unaʼy mataas ang turing
sa iyo ng mga mangangalakal sa mundo.
Sapagkat sa iyong salamangka
naligaw ng landas ang lahat.
24Sa lungsod na iyon
dumanak ang dugo ng mga propeta
at ng mga hinirang ng Diyos,
pati ng mga taong pinaslang sa buong mundo.”
Who We AreWhat We EelieveWhat We Do
2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.