1Mula roon sa templo ay narinig ko ang malakas na sigaw na nag-uutos sa pitong anghel, “Humayo na kayo at ibuhos ang pitong sisidlang naglalaman ng poot ng Diyos sa mundo.”
2Kaya humayo ang unang anghel at ibinuhos sa lupa ang laman ng kanyang sisidlan. At nagkaroon ng masasakit at nakapandidiring mga sugat ang mga taong may tatak ng halimaw at sumasamba sa imahen nito.
3Ibinuhos ng ikalawang anghel ang laman ng kanyang sisidlan sa dagat, at ang dagat ay naging parang dugo ng patay na tao. At namatay ang lahat ng buháy na nilalang sa dagat.
4Pagkatapos, ibinuhos ng ikatlong anghel ang laman ng kanyang sisidlan sa mga ilog at mga bukal, at naging dugo ang lahat ng mga ito.
5Narinig kong sinabi ng anghel na katiwala sa tubig,
“Makatarungan po kayo, O Nag-iisang Banal.
Kayo ang Diyos noon
at kayo rin ang Diyos magpahanggang ngayon.
Matuwid at totoo ang inyong mga hatol.
6Sapagkat pinadanak nila ang dugo
ng mga hinirang at ng inyong mga propeta,
kaya dugo rin ang ipapainom ninyo sa kanila.
Ito ang nararapat na ganti sa kanila.”
7At narinig kong may sumagot sa altar,
“Panginoong Diyos na makapangyarihan sa lahat,
tama at matuwid ang inyong hatol sa mga tao!”
8Ibinuhos ng ikaapat na anghel ang laman ng kanyang sisidlan sa araw, at pinahintulutan ang araw na pasuin ang mga tao sa apoy nito.
9Napaso nga sila dahil sa matinding init, at nilapastangan nila ang pangalan ng Diyos na may kapangyarihan sa mga salot na ito. Sa kabila nito, ayaw pa rin nilang magsisi at talikuran ang mga kasalanan nila, at papurihan ang Diyos.
10Ibinuhos ng ikalimang anghel ang laman ng kanyang sisidlan sa trono ng halimaw, at nagdilim ang buong kaharian nito. Napakagat-dila ang mga tao dahil sa hirap na dinaranas nila.
11Tumanggi pa rin silang pagsisihan at talikuran ang kanilang kasalanan, at sa halip ay isinumpa nila ang Diyos ng kalangitan dahil sa mga tinitiis nilang sakit at sugat.
12Ibinuhos ng ikaanim na anghel ang laman ng kanyang sisidlan sa malawak na ilog ng Eufrates. Natuyo ang ilog upang makadaan doon ang mga hari mula sa silangan.
13At may nakita akong tatlong masasamang espiritu na parang mga palakang lumabas mula sa bibig ng dragon, mula sa bibig ng halimaw, at mula sa bibig ng bulaang propeta.
14Iyon ang mga demonyong gumagawa ng mga kababalaghan. Pumunta sila sa mga hari sa buong mundo upang tipunin sila para sa pakikipaglaban sa Diyos pagdating ng dakilang araw na itinakda ng Diyos na makapangyarihan sa lahat.
15“Makinig kayong mabuti! Darating akong tulad ng magnanakaw. Mapalad ang taong nagbabantay at hindi naghuhubad ng kanyang damit, para sa pagdating ko ay hindi siya lalakad na hubad at hindi mapapahiya sa mga tao.”
16At pagkatapos ay tinipon nila ang mga hari sa isang lugar na kung tawagin ay Armagedon sa wikang Hebreo.
17Ibinuhos ng ikapitong anghel ang laman ng kanyang sisidlan sa hangin. At may narinig akong sumisigaw mula sa trono sa templo, “Naganap na ang lahat!”
18Pagkatapos, kumidlat, kumulog, umugong at lumindol nang napakalakas. Hindi pa nagkakaroon ng ganoon kalakas na lindol sa buong kasaysayan ng tao sa mundo. Napakalakas ng pagyanig na iyon.
19Ang dakilang lungsod ng Babilonia ay nahati sa tatlo at ang mga lungsod sa lahat ng bansa ay nawasak. Tinupad ng Diyos ang sinabi niya tungkol sa mga taong nakatira sa Dakilang Babilonia, kaya dumating na sa kanila ang parusa ng Diyos, dahil sa matinding galit niya.
20Naglaho ang lahat ng isla at naging patag ang mga bundok.
21Inulan ang mga tao ng malalaking tipak ng yelo na tumitimbang ng limampung kilo bawat tipak hanggang sumpain ng mga tao ang Diyos dahil sa matinding salot na iyon.
Who We AreWhat We EelieveWhat We Do
2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.