Pahayag 17 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Ang Babaeng Bayaran

1Pagkatapos, lumapit sa akin ang isa sa pitong anghel na may sisidlan at sinabi, “Halika, ipapakita ko sa iyo ang kaparusahan para sa sikat na babaeng bayaran. Ang babaeng ito ay ang malaking lungsod na matatagpuang malapit sa katubigan.

2Nakiapid sa kanya ang mga hari sa mundo, at ang mga tao naman sa mundo ay parang nalasing sa alak ng kanyang kahalayan.”

3Pagkatapos, napuspos ako ng Espiritu at dinala ako ng anghel sa ilang. Nakita ko roon ang isang babaeng nakasakay sa pulang halimaw. Ang halimaw na iyon ay may pitong ulo at sampung sungay. At ang kanyang buong katawan ay puno ng nakasulat na mga pangalang lumalapastangan sa Diyos.

4Kulay ube at pula ang damit ng babae, at may mga alahas siyang ginto, mamahaling bato, at perlas. May hawak siyang gintong tasa na puno ng kasamaan at karumihan niya dahil sa kanyang seksuwal na imoralidad.

5May mahiwagang pangalang nakasulat sa kanyang noo: Ang Dakilang Babilonia, ang Ina ng Lahat ng Babaeng Bayaran, at ng Lahat ng Kasamaan sa Buong Mundo.

6At nakita kong nalasing ang babaeng iyon sa dugo ng mga hinirang ng Diyos at sa dugo ng mga saksi ni Hesus.

Labis akong namangha nang makita ko siya.

7Ngunit sinabi sa akin ng anghel, “Huwag kang mamangha. Ipapaliwanag ko ang kahulugan ng hiwaga ng babae at ng halimaw na sinasakyan niya, na may pitong ulo at sampung sungay.

8Ang halimaw na nakita mo ay buháy noon, pero patay na ngayon. Ngunit muli siyang lalabas mula sa kailaliman, at agad namang mapupunta sa walang hanggang kapahamakan. Makikita siya ng mga taong hindi nakasulat ang mga pangalan sa aklat ng buhay. Bago pa man likhain ang mundo, ang pangalan nila ay hindi na nakasulat sa aklat na ito. At kapag nakita nila ang halimaw, mamamangha sila dahil buhay siya noon, at namatay na, ngunit nabuhay na naman.

9“Kailangan dito ang talino upang maintindihan ang kahulugan ng mga ito. Ang pitong ulo ay ang pitong bundok na inuupuan ng babae. Nangangahulugan din ito ng pitong hari.

10Lima sa pitong iyon ay patay na, ang isa ay naghahari pa ngayon, at ang isa ay hindi pa dumarating. Kapag dumating na siya, sandali lang ang paghahari niya.

11Ang halimaw na buháy noon, ngunit patay na ngayon, ang siyang ikawalong hari. Kabilang din siya sa naunang pitong hari, at hahantong din siya sa kapahamakan.

12“Ang sampung sungay na nakita mo ay ang sampung hari na hindi pa naghahari. Bibigyan sila ng kapangyarihang maghari kasama ang halimaw sa loob lang ng maikling panahon.

13Iisa ang layunin ng sampung haring iyon. At ipapailalim nila ang kapangyarihan at pamamahala nila sa halimaw.

14Lalabanan nila ang Kordero ngunit matatalo sila, dahil siya ang Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari. Kasama ng Kordero ang mga tapat na alagad niya na kanyang tinawag at pinili.”

15Sinabi rin sa akin ng anghel, “Ang tubig na nakita mong inuupuan ng babaeng bayaran ay ang mga tao sa ibaʼt ibang lahi, bansa at wika.

16Ang sampung sungay at ang halimaw na nakita mo ay mapopoot sa babaeng bayaran. Kukunin nila ang mga ari-arian niya pati na ang suot niyang damit at walang maiiwan sa kanya. Kakainin nila ang kanyang laman at siyaʼy susunugin.

17Niloob ng Diyos na maisakatuparan ng sampung hari ang kanyang layunin. Kaya mapagkakasunduan nila na ipailalim sa halimaw ang kapangyarihan at pamamahala nila hanggang sa matupad ang sinabi ng Diyos.

18“Ang babaeng iyong nakita ay ang dakilang lungsod na may sakop sa mga hari ng mundo.”

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help