Deuteronomio 34 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Ang Pagkamatay ni Moises

1Mula sa kapatagan ng Moab, umakyat si Moises sa Bundok ng Nebo sa tuktok ng Pisga na nakaharap sa Jerico. Doon ipinakita ng Panginoon ang buong lupain – mula sa Gilead hanggang sa Dan,

2ang buong lupain ng Neftali, ang lupain ng Efraim at ng Manases, ang buong lupain ng Juda hanggang sa Dagat ng Mediteraneo,

3ang Negeb, at ang buong lupain mula sa Kapatagan ng Jordan kasama ang Jerico (ang lungsod ng mga palma) hanggang sa Zoar.

4Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Iyan ang lupaing ipinangako ko kina Abraham, Isaac at Jacob, at sinabi kong ibibigay ko ito sa kanilang salinlahi. Ipinakita ko ito sa iyo, ngunit hindi ka makakapunta roon.”

5Kaya namatay si Moises na lingkod ng Panginoon, ayon sa sinabi ng Panginoon doon sa Moab.

6Inilibing siya sa Moab, sa lambak na nakaharap sa Bet-peor, subalit hanggang ngayon ay walang nakakaalam kung saan talaga libingan niya.

7Si Moises ay 120 taóng gulang nang mamatay, ngunit malakas pa rin siya, at malinaw pa ang paningin.

8Ipinagluksa ng mga Israelita si Moises doon sa kapatagan ng Moab hanggang sa Natapos ang itinakdang bilang ng araw ng pagluluksa na tatlumpong araw.

9Ngayon, si Josue na anak ni Nun ay binigyan ng Espiritu ng karunungan dahil pinili siya ni Moises na pumalit sa kanya sa pamamagitan ng pagpapatong ng kamay nito sa kanya. Kaya sinunod siya ng mga Israelita, at ginawa nila ang lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

10Mula noon, wala nang propeta pa sa Israel na katulad ni Moises, na nakakausap ng Panginoon nang harapan.

11Isinugo ng Panginoon si Moises para gumawa ng mga himala at mga kamangha-manghang bagay sa Ehipto laban sa Faraon, sa kanyang mga opisyal at sa buong bansa.

12Wala nang nakagawa pa ng mga makapangyarihan at kamangha-manghang bagay na katulad ng ginawa ni Moises sa harap ng lahat ng Israelita.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help