Genesis 49 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Binasbasan ni Jacob ang Kanyang mga Anak

1Pagkatapos, tinawag ni Jacob ang mga anak niyang lalaki, at sinabi, “Lumapit kayo rito at sasabihin ko sa inyo kung ano ang mangyayari sa inyo sa darating na panahon.

2Lumapit kayo, mga anak ni Jacob;

makinig kayo sa inyong amang si Israel.

3“Ikaw, Ruben, na aking panganay,

ang aking lakas at bunga ng aking pagkalalaki.

Nangunguna ka sa karangalan

at nangunguna rin sa kapangyarihan.

4Maligalig kang gaya ng tubig

at hindi ka mapigilan

kaya hindi na ikaw ang nasa unahan.

Sapagkat dinumihan mo ang aking higaan

at ang aking dangal ay iyong dinungisan.

5“Sina Simeon at Levi ay magkakampi,

ang mga espada nilaʼy sandata ng kalupitan.

6Hindi ako sasáma ni dadalo

sa pagtitipon nila

sapagkat sa kanilang galit

ay pumapatay sila ng mga tao

at pinipilayan nila ang mga toro

kapag gusto nila.

7Sinusumpa ko ang kanilang galit,

dahil itoʼy malupit,

at ang kanilang poot,

dahil itoʼy mabagsik.

Ikakalat ko sila sa angkan ni Jacob,

at magkakawatak-watak sila sa buong Israel.

8“Ikaw Juda, pupurihin ka ng iyong mga kapatid.

Ang iyong mga kaaway ay hahawakan mo sa leeg.

Ang mga anak ng iyong amaʼy yuyuko saʼyo.

9Juda, aking anak,

katulad ka ng isang batang leon

na katatapos lang lumapa ng kanyang pagkain.

Katulad si Juda ng leong gumagapang at humihiga,

gaya ng babaeng leon

na walang nagtatangkang gumambala.

10Ang setro ng hari

ay hindi mawawala kay Juda;

at ang tungkod ng pamamahala

ay mananatili sa lahi niya

hanggang sa dumating ang karapat-dapat mamuno

at susunod sa kanya ang lahat ng bansa.

11Itatali niya ang kanyang asno

at guya sa pinakamagandang puno ng ubas,

at lalabhan niya sa alak ang kanyang mga damit

12Mas mapula pa kaysa sa alak

ang kanyang mga mata

at mas maputi kaysa sa gatas

ang mga ngipin niya.

13“Si Zebulun ay maninirahan sa tabi ng dagat.

Magiging daungan siya

ng mga sasakyang pandagat.

Ang lupain niya ay aabot hanggang Sidon.

14“Si Isacar ay katulad ng malakas na asno

na nakahiga sa kulungan ng mga tupa.

15Nang makita niyang masagana

at mainam ang kanyang lupain

titiisin na lang niyang magpaalipin,

kahit pa siyaʼy sapilitang pagtatrabahuhin.

16“Si Dan ang magdadala ng katarungan sa kanyang bayan

bilang isa sa mga angkan ni Israel.

17Siyaʼy magiging isang ahas sa tabi ng daan,

isang mabagsik na ulupong na nasa daanan,

na tumutuklaw sa paa ng kabayong dumaraan

upang mahulog ang ditoʼy nakasakay.

18“O Panginoon, naghihintay po ako sa inyong pagliligtas.

19“Si Gad ay lulusubin ng grupo ng mga tulisan,

ngunit gaganti siyaʼt lulusubin din sila.

20“Si Asher ay magiging sagana sa pagkain,

at magbibigay ng mga pagkaing angkop sa hari.

21“Si Neftali ay tulad ng pinakawalang usa

na manganganak ng mga supling na magaganda.

22“Si Jose ay tulad ng mabungang sanga,

tulad ng mabungang baging sa tabi ng bukal

na gumagapang paakyat sa pader.

23Kaiinisan siya ng mga mamamana.

Sa kanilang galit siyaʼy papanain nila.

24Ngunit matatag pa rin ang kanyang pana,

nanatiling matibay ang kamay niya,

dahil sa tulong ng Makapangyarihang Diyos ni Jacob,

ang Pastol at ang Batong kanlungan ng Israel.

25Ang Diyos ng iyong ama

ang siyang tutulong sa iyo.

Ang Diyos na Makapangyarihan ang magpapala sa iyo

ng ulan mula sa langit

at tubig mula sa kailaliman ng lupa.

Pagpapalain ka rin niya ng maraming anak at hayop.

26Ang pagpapala ng iyong ama ay higit pa

sa pagpapala ng mga bundok noong sinauna,

o sa mga yamang mula sa burol na matatanda na.

Nawaʼy manatili itong lahat sa ulo ni Jose

na siyang nakahihigit sa magkakapatid.

27“Si Benjamin ay tulad ng isang lobong gutom na gutom;

sa umagaʼy nilalapa ang kanyang nahuli

at sa gabi namaʼy ang mga nasamsam ay pinaghahatian.”

28Sila ang labindalawang anak ni Jacob na pinanggalingan ng mga lahi ng Israel. At iyon ang huling habilin ni Jacob sa bawat isa sa kanila. Biniyayaan niya ang bawat isa ng basbas na angkop sa kanila.

Ang Pagkamatay ni Jacob

29Pagkatapos, binilinan ni Jacob ang mga anak niya. Sinabi niya, “Ngayon, sandali na lang at makakasama ko na sa kabilang buhay ang aking mga ninuno. Ilibing nʼyo ako sa libingan ng aking mga magulang, doon sa kuweba na nasa bukid ni Efron na Heteo.

30Ang kuwebang iyon ay nasa bukid ng Macpela, sa silangan ng Mamre na sakop ng Canaan. Binili ng lolo kong si Abraham ang bukid na iyon kay Efron na Heteo upang gawing libingan.

31Doon siya inilibing pati ang lola kong si Sara at ang mga magulang kong sina Isaac at Rebeca, at doon ko rin inilibing si Lea.

32Ang bukid at ang kuweba nito ay binili sa mga Heteo.”

33Pagkatapos magbilin ni Jacob sa kanyang mga anak, siya ay nahiga at nalagutan ng hininga. At isinama siya sa kanyang mga ninuno na sumakabilang buhay na.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help