Isaias 46 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Ang mga Diyos-diyosan ng Babilonia

1Nakayuko si Bel,

nakahiga naman si Nebo;

ang mga diyos-diyosang ito

ay ipinabuhat sa mga asno.

Mabibigat ang mga imaheng ito;

pasanin ng mga hayop na pagod.

2Nakahiga nga sila,

at hindi nila kayang iligtas

ang kumakarga sa kanila,

kaya pati sila ay nabihag.

3Makinig kayo sa akin, mga lahi ni Jacob,

kayong mga natitirang

mga mamamayan ng Israel.

Inalagaan ko kayo

mula nang kayoʼy ipinanganak

4Aalagaan ko kayo hanggang

sa kayoʼy tumanda

at pumuti ang inyong buhok.

Ako, ako ang siyang

tutulong sa inyo.

Nilikha ko kayo

kaya kayoʼy aalagaan ko.

Tutulungan ko kayo

at ililigtas.

5Kanino ninyo ako maihahalintulad?

Mayroon bang katulad ko?

6Ang ibang mga tao

ay naglalabas ng ginto sa sisidlan

at nagtitimbang ng pilak

at inuupahan nila ang platero

para gumawa ng diyos-diyosan

at pagkatapos ay kanilang

luluhuran at sasambahin.

7Pinapasan nila ito sa kanilang balikat

at inilalagay sa kanyang lalagyan

at nananatili ito roon

dahil hindi naman ito makakakilos.

Kung may mananalangin sa kanya,

hindi siya makakasagot

at hindi makakatulong

sa panahon ng kaguluhan.

8Kayong mga rebelde,

tandaan ninyo ito,

at itanim sa inyong mga isip.

9Alalahanin ninyo

ang aking mga ginawa

noong unang panahon.

Ako lang ang Diyos,

at wala nang iba pang katulad ko.

10Sa simula pa lang, sinabi ko na

ang mga mangyayari sa hinaharap.

Ang aking mga inihayag

ay magaganap,

at gagawin ko ang lahat

ng gusto kong gawin.

11Mula sa silangan,

tatawag ako ng isang tao,

at darating siyang tulad ng ibong mandaragit

mula sa malayong lugar.

Ang mga sinabi koʼy aking tutuparin.

Ang mga balak koʼy aking gagawin.

12Makinig kayo sa akin

kayong matitigas ang ulo.

Hindi ninyo mararanasan

ang tagumpay at katuwiran.

13Hindi na magtatagal, ibibigay ko na

ang tagumpay at katuwiran

sa Jerusalem.

Malapit ko na itong iligtas;

pararangalan ko ang Israel.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help