Jeremias 15 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Ang Parusa para sa mga Taga-Juda

1Sinabi sa akin ng Panginoon, “Kahit sina Moises at Samuel pa ang magmakaawa sa akin para sa mga taong ito, hindi ko sila kahahabagan. Kaya ilayo mo sila sa akin. Paalisin mo sila!

2Kung magtatanong sila kung saan sila pupunta, sabihin mo na ito ang sinabi ng Panginoon:

‘Ang mga nakatakdang mamatay ay mamamatay.

Ang ibaʼy itinakdang

mamatay sa digmaan

at ang ibaʼy sa taggutom.

Ang iba namaʼy itinakdang bihagin.’

3“Ipapadala ko sa kanila ang apat na uri ng parusa,” sabi ng Panginoon. “Mamamatay sila sa digmaan, kakaladkarin ng mga aso ang mga bangkay nila, tutukain sila ng mga ibon at ang natitira sa mga bangkay nilaʼy uubusin ng mababangis na hayop.

4Kamumuhian sila ng lahat ng bansa sa mundo dahil sa ginawa ni Manases na anak ni Ezequias sa Jerusalem noong hari pa siya ng Juda.

5O mga taga-Jerusalem, sino kaya

ang mahahabag sa inyo?

Sino kaya ang magluluksa para sa inyo?

At sino kaya ang magtatanong

tungkol sa inyong kalagayan?

6Itinakwil ninyo ako;

palagi ninyo akong tinatalikuran.

Kaya ako, ang Panginoon,

ay nagsasabing iuunat ko

ang aking mga kamay upang kayo ay lipulin.

Sawa na akong kahabagan kayo.

7Parurusahan ko kayo tulad ng ipang tinatahip

sa pintuan ng lungsod.

Lilipulin ko kayo at ang mga anak ninyo,

dahil hindi ninyo tinalikuran

ang inyong masasamang ugali.

8Pararamihin ko ang inyong mga biyuda

na parang mas marami pa

kaysa sa buhangin sa tabing-dagat.

Sa katanghaliang tapat, ipapadala ko

ang lilipol sa mga ina ng mga binata.

Biglang darating sa inyo

ang pagdadalamhati at takot.

9May inang mawawalan ng pitong anak na lalaki.

Hihimatayin siya at mahihirapang huminga.

Ang kanyang mga anak ay parang araw na lumubog

nang napakaaga pa.

Mapapahiya siya dahil wala na siyang anak.

At ang mga matitirang buhay

ay ipapapatay ko rin sa mga kaaway,”

wika ng Panginoon.

10Kahabag-habag ako!

Sanaʼy hindi na ako isinilang ng aking ina!

Palagi akong kinakalaban sa buong Juda.

Wala akong utang kaninuman,

at hindi rin ako nagpapautang,

pero isinusumpa ako ng lahat.

11Sinabi ng Panginoon,

“Tiyak na ikaw ay aking ililigtas

para sa mabuting layunin;

tinitiyak kong ang iyong mga kaaway

ay magmamakaawa sa iyo

sa panahon ng kalamidad at kahirapan.

12“Kung papaanong walang makakabali

ng piraso ng bakal o tanso,

wala ring makakatalo sa mga kaaway

na galing sa hilaga.

13“Ipapasamsam ko sa mga kaaway ninyo

ang inyong mga kayamanan at ari-arian

dahil sa mga kasalanang inyong ginawa

sa buong bansa.

14Ipapaalipin ko kayo

sa inyong mga kaaway

sa lupaing hindi ninyo alam,

at ipadarama ko sa inyo

ang aking galit na

parang nagliliyab na apoy.”

15Sinabi ko, “Panginoon, alam po ninyo ang lahat!

Alalahanin at tulungan po ninyo ako.

Ipaghiganti ninyo ako sa mga umuusig sa akin.

Alam kong hindi kayo madaling magalit,

kaya huwag po ninyo akong hayaang mamatay.

Alalahanin po ninyo ang mga paghihirap ko

dahil sa inyo.

16Noong nagsalita kayo sa akin,

pinakinggan ko po kayo.

Ang mga salita po ninyo ay kagalakan ko;

at akoʼy sa inyo,

O Panginoong Diyos ng mga Hukbo.

17Hindi po ako sumáma sa mga kasayahan at kagalakan nila.

Nag-iisa po ako dahil nakikipag-usap kayo sa akin

at sinabi nʼyo sa akin

ang tungkol sa inyong galit.

18Bakit hindi po natatapos ang aking paghihirap?

Bakit hindi na gumagaling ang aking mga sugat?

Hindi na po ba magagamot ang mga ito?

Bibiguin po ba ninyo ako

na parang sapa na natutuyo kapag tag-araw?”

19Kaya sinabi ng Panginoon,

“Kung ikaʼy magsisisi, pababalikin kita sa aking piling

upang patuloy kang makapaglingkod sa akin.

Kung magsasalita ka ng mga makabuluhang bagay

at iiwasan ang mga bagay na walang kabuluhan,

muli kitang gagawing aking tagapagsalita.

Kinakailangang sila ang lumapit sa iyo

at hindi ikaw ang lalapit sa kanila.

20Gagawin kitang parang matibay na tansong pader para sa mga taong ito.

Kakalabanin ka nila ngunit hindi ka nila magagapi,

sapagkat kasama mo ako.

Iingatan kita at ililigtas,” wika ng Panginoon.

21“Ililigtas kita sa kamay ng masasama

at sasagipin kita mula

sa mararahas na tao.”

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help