Salmo 45 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Salmo 45Para sa direktor ng mga mang-aawit: Ang tono nitoʼy katulad ng tono ng awiting “Mga Liryo” na Katha ng mga anak ni Kora. Isa itong maskil. Itoʼy awit sa kasal.

1Punong-puno ng magagandang salita

ang aking puso

habang akoʼy bumibigkas ng mga tula

para sa hari.

Ang aking kakayahan sa pagsasalita

ay katulad ng kakayahan ng isang magaling na makata.

2Mahal na Hari, kayo ang pinakamagandang lalaki sa lahat.

At ang mga salita nʼyo ay nakabubuti sa iba.

Kaya lagi kayong pinagpapala ng Diyos.

3Marangal na hari na dakilang mandirigma!

Isukbit nʼyo sa inyong tagiliran ang inyong espada.

4Ipahayag na ang inyong kadakilaan!

Maging matagumpay kayo na may katotohanan,

kapakumbabaan at katuwiran.

Gumawa kayo ng mga kahanga-hangang bagay

sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.

5Patamaan nʼyo ng matatalim nʼyong palaso

ang puso ng inyong mga kaaway.

Babagsak ang mga bansa

sa inyong paanan.

6O Diyos, ang inyong kaharian ay magpakailanman

at ang inyong paghahari ay makatarungan.

7Kinalulugdan ninyo ang gumagawa ng matuwid

at kinamumuhian ninyo ang gumagawa ng masama.

Kaya pinili ka ng Diyos, na iyong Diyos,

at binigyan ng kagalakang higit sa ibinigay niya

sa mga kasama mo.

8Ang mga damit nʼyo ay pinabanguhan

ng mira, aloe at kasia.

Sa inyong palasyo na nakakasilaw sa ganda,

nililibang kayo ng mga tugtugin ng alpa.

9Ang ilan sa inyong mga kagalang-galang na babae

ay mga prinsesa.

At sa inyong kanan ay nakatayo ang reyna

na nakasuot ng mga alahas

na purong ginto mula sa Ofir.

10O kasintahan ng hari, pakinggan mo ang sasabihin ko:

Kalimutan mo ang iyong mga kamag-anak

at mga kababayan.

11Nabihag mo ang hari ng iyong kagandahan.

Siyaʼy iyong amo na dapat igalang.

12Ang mga taga-Tiro ay magdadala sa iyo ng kaloob;

pati ang mga mayayaman

ay hihingi ng pabor sa iyo.

13Nagniningning ang kagandahan ng prinsesa

sa loob ng kanyang silid.

Ang kanyang suot na trahe de boda

ay may mga burdang ginto.

14Sa ganitong kasuotan ay dadalhin siya sa hari,

kasama ng mga dalagang abay.

15Lahat silaʼy nagagalak at nananabik

habang pumapasok sa palasyo ng hari.

16Mahal na Hari, ang inyong mga anak na lalaki

ay magiging hari rin, katulad ng kanilang mga ninuno.

Gagawin nʼyo silang mga pinuno

sa buong daigdig.

17Ipapaalala kita sa lahat ng salinlahi.

Kaya pupurihin ka ng mga tao magpakailanman.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help