1 Mga Cronica 14 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Ang Pamilya ni David(2~Sam. 5:11‑16)

1Samantala, nagsugo ng mga mensahero si Haring Hiram ng Tiro kay David kasama ng mga karpintero at kantero. Nagpadala rin siya ng mga trosong sedro para maipagpatayo ng palasyo si David.

2At dito nalaman ni David na ang Panginoon ang nagluklok sa kanya bilang hari at nagpalago ng kaharian niya para sa mga mamamayan niyang Israelita.

3Doon sa Jerusalem, marami pang naging asawa si David, at nadagdagan pa ang mga anak niya.

4Ito ang mga anak niya na isinilang doon: Samua, Sobab, Natan, Solomon,

5Ibhar, Elisua, Elpelet,

6Noga, Nefeg, Jafia,

7Elisama, Beeliada, at Elifelet.

Tinalo ni David ang mga Filisteo(2~Sam. 5:17‑25)

8Nang mabalitaan ng mga Filisteo na si David ang piniling hari sa buong Israel, tinipon nila ang lahat ng sundalo nila upang hulihin siya. Ngunit nabalitaan iyon ni David, at sinalubong niya sila.

9Nang lusubin ng mga Filisteo ang Lambak ng Refaim,

10nagtanong si David sa Diyos, “Sasalakayin po ba namin ang mga Filisteo? Matatalo po ba namin sila?”

Sumagot ang Panginoon, “Oo, lumakad kayo, dahil matatalo ninyo sila.”

11Kaya pumunta si David at ang mga tauhan niya sa Baal-perazim, at tinalo nila roon ang mga Filisteo. Sinabi ni David, “Nilipol ng Diyos ang mga kalaban ko na parang dinaanan ng rumaragasang baha, at ginamit niya ako upang lipulin sila.” Kaya tinawag na Baal-perazim ang lugar na iyon.

12Naiwan ng mga Filisteo ang mga diyos-diyosan nila roon, at nag-utos si David na sunugin ang mga ito.

13Muling nilusob ng mga Filisteo ang Lambak.

14Kaya muling nagtanong si David sa Diyos, at sumagot ang Diyos sa kanya, “Huwag nʼyo agad silang salakayin, palibutan nʼyo muna, at saka nʼyo sila salakayin malapit sa puno ng balsam.

15Kapag narinig nʼyo na parang may nagmamartsang mga sundalo sa itaas ng puno ng balsam, sumalakay kayo agad dahil iyon ang palatandaan na pinangungunahan ko kayo sa pagsalakay sa mga Filisteo.”

16Kaya sinunod ni David ang iniutos sa kanya ng Diyos, at pinatay nila ang mga Filisteo mula sa Gibeon hanggang sa Gezer.

17Kaya naging tanyag si David kahit saan, at ginawa ng Panginoon na katakutan siya ng lahat ng bansa.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help