Mangangaral 12 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

1Alalahanin mo ang lumikha sa iyo

habang ikaw ay bata pa

at bago dumating ang panahon ng kahirapan

at masabi mong,

“Hindi ako masaya sa aking buhay.”

2Alalahanin mo siya

bago dumilim ang araw, ang buwan

at ang mga bituin na parang

natatakpan ng makakapal na ulap.

3Darating ang araw na manginginig

ang iyong mga bisig

at manghihina ang iyong mga tuhod.

Hindi ka na makakanguyang mabuti

dahil iilan na lang ang iyong ngipin.

At lalabo na nang tuluyan

ang iyong paningin.

4Ang tainga moʼy

hindi na halos makarinig,

kahit ang ingay ng gilingan

o huni ng mga ibon

o mga awitin ay hindi na marinig.

5Matatakot kang umakyat

sa matataas na lugar

o lumakad sa lansangan nang nag-iisa.

Puputi na ang iyong buhok,

hindi ka na halos makakalakad

at mawawala na ang lahat

ng iyong pagnanasa.

Sa bandang huli, pupunta ka

sa iyong tahanang walang hanggan

at marami ang magluluksa para sa iyo

sa mga lansangan.

6Kaya alalahanin mo ang Diyos

habang nabubuhay ka,

habang hindi pa nalalagot

ang kadenang pilak

at hindi pa nababasag ang gintong lalagyan,

o hindi pa nalalagot ang tali

ng timba sa balon,

at nasisira ang kalo nito.

7Kung magkagayon, babalik ka sa lupa

kung saan ka nagmula

at ang espiritu moʼy babalik sa Diyos

na siyang nagbigay nito.

8Sabi ng mangangaral,

“Walang kabuluhan!

Tunay na walang kabuluhan ang lahat!”

Paggalang at Pagsunod sa Diyos

9Bukod sa pagiging marunong nitong mangangaral, itinuturo din niya sa mga tao ang lahat ng kanyang nalalaman. Pinag-aralan niyang mabuti ang mga kasabihang binanggit niya rito.

10Pinagsikapan niyang gamitin ang mga nararapat na salita, at ang lahat ng isinulat niya rito ay tama at totoo.

11Ang mga salita ng marunong ay parang matulis na tungkod na pantaboy ng pastol sa paggabay sa kanyang kawan o parang pakong nakabaon. Ibinigay ito ng Diyos na tangi nating tagabantay.

12Anak, mag-ingat ka sa isa pang bagay na ito: Ang pagsusulat ng aklat ay walang katapusan, at ang labis na pag-aaral ay nakakapagod.

13Ngayong nabasa mo

na ang lahat ng ito,

ito ang aking huling payo:

Matakot ka sa Diyos

at sundin mo ang kanyang mga utos,

dahil ito ang tungkulin

ng bawat tao.

14Sapagkat hahatulan tayo ng Diyos

ayon sa lahat ng ating ginagawa,

mabuti man o masama,

hayag man o lihim.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help