1Ang pumalit kay Asa bilang hari ay ang anak niyang si Jehoshafat. Pinatibay ni Jehoshafat ang kaharian niya upang makalaban siya sa Israel.
2Nagtalaga siya ng mga sundalo sa lahat ng napapaderang lungsod, at naglagay din siya ng mga kampo ng sundalo sa Juda at sa mga bayan ng Efraim na sinakop ni Asa na kanyang ama.
3Sinamahan ng Panginoon si Jehoshafat dahil sa unang mga taon ng paghahari niya sinunod niya ang pamumuhay ng kanyang ninuno na si David. Hindi siya dumulog kay Baal,
4kundi dumulog siya sa Diyos ng kanyang ama, at sumunod sa kanyang kautusan sa halip na sumunod sa pamumuhay ng mga taga-Israel.
5Pinatibay ng Panginoon ang kaharian sa ilalim ng kanyang pamumuno. Nagdala ng mga regalo ang lahat ng taga-Juda sa kanya, kaya yumaman siya at naging tanyag.
6Matapat siya sa pagsunod sa mga pamamaraan ng Panginoon. Ipinagiba niya ang mga sambahan sa matataas na lugar at ang mga posteng imahen ni Ashera sa Juda.
7Nang ikatlong taon ng paghahari niya, dinala niya ang kanyang mga opisyal na sila Ben-hail, Obadias, Zacarias, Netanel at Micaias upang magturo sa mga bayan ng Juda.
8Kasama nila ang ibang mga Levita na sina Semaias, Netanias, Zebadias, Asahel, Semiramot, Jehonatan, Adonias, Tobias, Tob-adonias, at ang mga pari na sina Elisama at Jehoram.
9Dinala nila ang Aklat ng Kautusan ng Panginoon at umikot sila sa lahat ng bayan ng Juda at nagturo sa mga tao.
10Niloob ng Panginoon na matakot sa kanya ang lahat ng kaharian sa paligid ng Juda, kaya wala sa kanila na nakipaglaban kay Jehoshafat.
11Ang ibang mga Filisteo ay nagdala kay Jehoshafat ng mga regalo at pilak bilang buwis, at ang mga taga-Arabia ay nagdala sa kanya ng 7,700 tupa at 7,700 kambing.
12Kaya naging makapangyarihan pa si Jehoshafat. Nagpatayo siya sa Juda ng mga depensa at ng mga lungsod na ginawang mga bodega.
13Maraming pantustos ang tinipon niya sa mga bayan ng Juda. Naglagay din siya ng mahuhusay at matatapang na sundalo sa Jerusalem.
14Ang kanyang mga sundaloʼy inilista ayon sa kanilang mga pamilya.
Mula sa lahi ni Juda na binukod-bukod sa tig-isang libo sa bawat yunit: si Adna ang kumander ng tatlondaang libong sundalo,
15Ang sumunod sa kanya ay si Jehohanan na kumander ng 280,000 sundalo.
16Sumunod ay si Amazias na anak ni Zicri, na kumander ng dalawandaang libong sundalo. Nagkusang-loob siya para sa gawain ng Panginoon.
17Mula sa lahi ni Benjamin: si Eliada, na isang matapang na tao, ang kumander ng dalawandaang libong sundalo. Ang mga sundalong itoʼy may mga pananggalang at mga pana.
18Ang sumunod sa kanya ay si Jehosabad na kumander ng 180,000 armadong sundalo.
19Sila ang mga naglingkod sa hari bukod pa sa mga sundalo na inilagay ni Haring Jehoshafat sa lahat ng napapaderang lungsod sa Juda.
Who We AreWhat We EelieveWhat We Do
2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.