Salmo 52 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Salmo 52Para sa direktor ng mga mang-aawit: Isa itong maskil ni David Isinulat niya ito pagkatapos pumunta ni Doeg na taga-Edom kay Saul para sabihin na si David ay pumunta sa bahay ni Ahimelec.

1Ikaw na taong matapang,

bakit mo ipinagyayabang

ang iyong kasamaan?

Hindi baʼt ang Diyos

ay palaging mabuti sa iyo?

2Sa pagbabalak mo ng masama laban sa iba,

kasintalim ng pang-ahit ang iyong dila,

at lagi kang nagsisinungaling.

3Minamahal mo ang kasamaan

kaysa sa kabutihan,

at mas nais mong magsinungaling

kaysa magsabi ng katotohanan.

4Taong sinungaling,

ang gusto moʼy makapanakit ng iba

sa pamamagitan ng iyong pananalita.

5Ngunit dudurugin ka ng Diyos nang tuluyan.

Dadakpin ka at kakaladkarin palabas ng bahay;

bubunutin ka mula rito sa mundo ng mga buháy.

6Makikita ito ng mga matuwid

at magtataka sila.

Pagtatawanan ka nila at sasabihing,

7“Tingnan ninyo ang taong

hindi nanalig sa Diyos

bilang matibay niyang kanlungan.

Sa halip, nagtiwala lang

sa kanyang masaganang kayamanan,

at patindi nang patindi

ang kanyang kasamaan.”

8Ngunit akoʼy tulad ng punong olibo

na yumayabong sa loob

ng bahay ng Diyos.

Nagtitiwala ako sa kanyang pag-ibig, magpakailanman.

9Pasasalamatan ko kayo magpakailanman

dahil sa mga ginawa ninyo.

At sa harapan ng mga matatapat sa inyo,

ipapahayag ko ang kabutihan ninyo.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help