Deuteronomio 13 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Pagsamba sa mga Diyos-diyosan

1Kung may isang propeta o tagapagpaliwanag ng panaginip na nangako sa inyo, na magpapakita siya ng mga himala at kamangha-manghang bagay,

2at nangyari ang sinabi niya, at sabihin niya sa inyo, “Sumunod tayo at sumamba sa ibang mga diyos na hindi pa natin nakikilala.”

3Huwag kayong maniwala sa kanya, dahil sinusubukan lang kayo ng Panginoon na inyong Diyos kung minamahal nʼyo ba siya nang buong pusoʼt kaluluwa.

4Ang Panginoon na inyong Diyos lang ang dapat ninyong sundin at igalang. Tuparin ninyo ang kanyang mga utos at sundin nʼyo siya; paglingkuran siya at manatili kayo sa kanya.

5Dapat patayin ang propeta o ang tagapagpaliwanag ng panaginip dahil itinuturo niyang magrebelde kayo sa Panginoon na inyong Diyos na naglabas sa inyo sa Ehipto at nagligtas sa inyo sa pagkaalipin. Tinatangka ng mga taong ito na ilayo kayo sa mga pamamaraang iniutos ng Panginoon na inyong Diyos na sundin ninyo. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa.

6Halimbawang ang iyong kapatid o anak, o ang iyong minamahal na asawa o ang pinakamatalik mong kaibigan ay lihim kang hinikayat at sabihing, “Halika, sumamba tayo sa ibang mga diyos” (mga diyos na hindi pa natin nakikilala maging ng ating mga ninuno.

7Kapag hinikayat ka niyang sambahin ang mga diyos na sinasamba ng mga tao sa paligid ninyo o ng mga tao sa malalayong lugar),

8huwag kang magpapadala o makikinig sa kanya. Huwag mo siyang kaaawaan o kakampihan.

9Dapat mo siyang patayin. Ikaw ang unang babato at susunod ang lahat ng tao, para patayin siya.

10Babatuhin siya hanggang sa mamatay dahil tinangka niyang ilayo kayo sa Panginoon na inyong Diyos na naglabas sa inyo sa Ehipto kung saan kayo inalipin.

11Pagkatapos itong marinig ng mga Israelita, natakot sila, at hindi na sila gumawa ng masasamang gawa.

12Kung makabalita kayo na ang isa sa mga bayang ibinibigay ng Panginoon na inyong Diyos na inyong titirhan,

13ay may masasamang taong nag-uudyok sa mga naninirahan sa bayang iyon na sumamba sila sa ibang mga diyos na hindi pa nila nakikilala,

14dapat alamin ninyong mabuti kung totoo ito. At kung totoong nangyari nga ang kasuklam-suklam na gawang ito,

15dapat ninyong patayin ang lahat ng naninirahan sa bayang iyon pati na ang kanilang mga hayop. Lipulin ninyo silang lahat bilang handog sa Panginoon.

16Tipunin ninyo ang lahat ng masasamsam ninyo sa bayang iyon at tumpukin sa gitna ng plasa, at sunugin ninyo ito bilang isang handog na sinusunog sa Panginoon na inyong Diyos. Mananatiling wasak ang bayang iyon magpakailanman; hindi na iyon dapat itayong muli.

17Huwag kayong magtatago ng anumang bagay mula sa bayang iyon na naitakda nang wasakin nang lubusan. Kung susundin ninyo ito, aalisin ng Panginoon ang kanyang matinding galit, at kaaawaan niya kayo. At sa kanyang awa, pararamihin niya kayo ayon sa ipinangako niya sa inyong mga ninuno.

18Gagawin ito ng Panginoon na inyong Diyos kung susundin ninyo ang lahat ng utos na ibinibigay ko sa inyo ngayon at kung gagawa kayo ng matuwid sa kanyang paningin.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help