Jonas 2 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Nanalangin si Jonas

1Nanalangin si Jonas sa Panginoon na kanyang Diyos sa loob ng tiyan ng isda.

2Sinabi niya,

“Panginoon,

sa paghihirap ng aking kalooban

at kalagayan

humingi ako ng tulong sa inyo,

at sinagot nʼyo ako.

Sa bingit ng kamatayan,

humingi ako ng tulong sa inyo,

at pinakinggan nʼyo ako.

3Inihagis nʼyo ako

sa pusod ng dagat.

Napalibutan ako ng tubig

at natabunan ng mga alon

na ipinadala ninyo.

4Pinalayas nʼyo ako sa inyong harapan,

ngunit umaasa pa rin ako

na makakalapit muli ako sa inyo

doon sa inyong banal na Templo.

5Lumubog po ako sa tubig

at halos malunod.

Natabunan ako ng tubig

at napuluputan ang ulo ko

ng mga halamang-dagat.

6Lumubog ako hanggang

sa pinakailalim ng dagat,

at parang ikinulong

sa kailaliman

ng lupa magpakailanman.

Ngunit kinuha nʼyo ako

sa kailalimang iyon,

O Panginoon kong Diyos.

7“Nang malapit na akong mamatay,

tumawag ako sa inyo, Panginoon,

at pinakinggan nʼyo ang dalangin ko

doon sa inyong banal na Templo.

8“Ang mga taong sumasamba

sa mga walang kuwentang

diyos-diyosan

ay hindi na tapat sa inyo.

9Ngunit maghahandog ako sa inyo

nang may awit ng pasasalamat.

Tutuparin ko ang pangako ko

na maghahandog sa inyo.

Kayo po, Panginoon,

ang nagliligtas.”

10Kaya inutusan ng Panginoon ang isda, at iniluwa nito si Jonas sa dalampasigan.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help