1 Mga Cronica 29 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Ang mga Regalo sa Pagpapatayo ng Templo

1Pagkatapos, sinabi ni Haring David sa lahat ng mamamayan, “Ang anak kong si Solomon na pinili ng Diyos na hahalili sa akin bilang hari ng Israel ay bata pa at wala pang karanasan. Malaki ang gawain na ito, dahil ang ipapatayong gusali ay hindi para sa tao kundi para sa Panginoong Diyos.

2Ginawa ko ang lahat upang maihanda ang mga materyales para sa templo ng aking Diyos gaya ng maraming ginto, pilak, tanso, bakal, kahoy, mamahaling bato na onise, at iba pang mamahaling hiyas at mga batong may ibaʼt ibang kulay, at marami ring marmol.

3At dahil sa kagustuhan kong maitayo ang Templo ng aking Diyos, ibibigay ko pati ang personal kong mga ginto at pilak, bukod pa ang mga materyales na naipon ko para sa banal na Templo.

4Magbibigay ako ng mahigit isandaang toneladang ginto mula sa Ofir, at 250 toneladang pilak. Ito ay gagamiting pantapal sa mga dingding ng Templo,

5at para sa mga gawaing nangangailangan ng ginto at pilak at sa lahat ng gagawin ng mga platero. Sino ngayon ang kusang-loob na magtatalaga ng kanilang sarili sa Panginoon?”

6Pagkatapos, kusang-loob na nagbigay ang mga pinuno ng mga pamilya, mga pinuno ng mga lahi ng Israel, mga kumander ng libu-libo at daan-daang sundalo, at ang mga opisyal na itinalaga sa pamamahala ng mga ari-arian ng hari.

7Nagbigay sila para sa pagpapagawa ng templo ng Diyos ng 175 toneladang ginto, sampung libong perang ginto, 350 toneladang pilak, 630 toneladang tanso, at 3,500 toneladang bakal.

8May mga nagbigay din ng mga mamahaling bato, at itinabi ito sa bodega ng templo ng Panginoon na pinamamahalaan ni Jehiel na mula sa angkan ni Gerson.

9Nagalak ang mga tao sa mga pinuno nila dahil kusang-loob at taos-puso silang nagbigay para sa Panginoon. Labis din ang kagalakan ni Haring David.

Ang Panalangin ni David

10Pinuri ni David ang Panginoon sa harap ng mga tao. Sinabi niya,

“O Panginoon,

Diyos ng aming ninuno na si Jacob,

sa inyo ang kapurihan magpakailanman!

11Sa inyo Panginoon ang kapangyarihan at kadakilaan

ang kapurihan, katagumpayan at karangalan!

Sapagkat sa inyo ang lahat ng bagay na nasa langit at nasa lupa.

Kayo ang hari, O Panginoon, at higit kayo sa lahat!

12Sa inyo nagmumula ang kayamanan at karangalan.

Kayo ang namamahala sa lahat ng bagay.

Makapangyarihan kayo, at kayo ang nagpapalakas

at nagbibigay kapangyarihan sa sinuman.

13Ngayon, O aming Diyos, pinasasalamatan namin kayo

at pinupuri ang inyong kagalang-galang na pangalan.”

14“Ngunit sino po ba ako at ang aking mga mamamayan na makapagbibigay kami ng nag-uumapaw na kaloob gaya nito? Lahat ng bagay ay nagmula sa inyo, at ibinabalik lamang namin sa inyo ang ibinigay nʼyo sa amin.

15Nalalaman nʼyo, na pansamantala lang kami rito sa mundo gaya ng aming mga ninuno. Ang buhay namin ay gaya ng anino na hindi nananatili.

16O Panginoon naming Diyos, ang lahat ng ibinigay namin sa pagpapatayo ng templo para sa karangalan ng inyong banal na pangalan ay nagmula sa inyo. Pagmamay-ari nʼyo ang lahat ng ito!

17O aking Diyos, alam ko pong sinasaliksik nʼyo ang aming puso at nasisiyahan kayo kapag nakikita nʼyong tapat ito. Tapat at kusang-loob ang pagbibigay ko sa inyo ng mga bagay na ito. At nagagalak po ako dahil nakita kong kahit ang mga mamamayan ninyong narito ay kusang-loob na nagbigay.

18O Panginoon, ang Diyos ng aming mga ninuno na sina Abraham, Isaac at Jacob, palagi nʼyo po sanang ilagay sa puso ng mga mamamayan ninyo ang naising ito at tulungan nʼyo po sila na maging tapat sa inyo.

19Tulungan nʼyo rin po ang anak kong si Solomon na lalong maging tapat sa pagsunod sa inyong mga utos, katuruan at mga tuntunin, at sa paggawa ng lahat ng ipinatutupad ninyo tungkol sa pagpapatayo ng templo na aking inihanda.”

20Pagkatapos, sinabi ni David sa lahat ng tao, “Purihin nʼyo ang Panginoon na inyong Diyos.” Kaya pinuri nila ang Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. Yumukod sila at nagpatirapa bilang pagpaparangal sa Panginoon at sa kanilang hari.

Kinilala si Solomon Bilang Hari

21Nang sumunod na araw, nag-alay sila sa Panginoon ng mga handog na sinusunog: isang libong toro, isang libong lalaking tupa at isang libong batang tupa. Nag-alay din sila ng mga handog na inumin at iba pang mga handog para sa mga Israelita.

22Masaya silang nagkainan at nag-inuman sa presensya ng Panginoon nang araw na iyon.

Muli, idineklara nilang hari si Solomon na anak ni David. Binuhusan si Solomon ng langis sa presensya ng Panginoon bilang hari, at binuhusan din ng langis si Sadoc bilang pari.

23Kaya umupo si Solomon sa trono ng Panginoon bilang hari, kapalit ng ama niyang si David. Naging maunlad si Solomon, at sumunod sa kanya ang buong Israel.

24Nangako ang lahat ng opisyal, ang mga makapangyarihang tao, at ang lahat ng anak na lalaki ni Haring David na magpapasakop sila kay Haring Solomon.

25Niloob ng Panginoon na maging tanyag si Solomon sa buong Israel at binigyan ng karangalang hindi nakamit ng ibang hari sa Israel.

Ang Pagkamatay ni David

26Naghari si David na anak ni Jesse sa buong Israel.

27Ang kabuuan ng kanyang paghahari ay apatnapung taon, pitong taon sa Hebron at tatlumpuʼt tatlong taon sa Jerusalem.

28Nabuhay siya nang matagal, mayaman at marangal. Namatay siya nang matandang-matanda na at ang anak niyang si Solomon ang pumalit sa kanya bilang hari.

29Ang kasaysayan tungkol sa paghahari ni Haring David, mula sa simula hanggang katapusan ay nakasulat sa mga aklat ng mga propeta na sina Samuel, Natan at Gad.

30Naisulat dito kung paano siya naghari, at kung gaano siya naging makapangyarihan, at ang lahat ng nangyari sa kanya at sa Israel, at sa mga nakapaligid na kaharian.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help