Salmo 92 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Salmo 92Awit na inaawit sa Araw ng Pamamahinga.

1Kataas-taasang Diyos na Panginoon namin,

napakasarap magpasalamat

at umawit ng papuri sa inyo.

2Napakasarap ipahayag

ang inyong pag-ibig at katapatan,

araw at gabi,

3habang tumutugtog ng mga instrumentong

may kuwerdas.

4Sapagkat pinasaya nʼyo ako, Panginoon,

sa pamamagitan ng inyong

mga kahanga-hangang gawa.

At dahil dito, akoʼy umaawit sa tuwa.

5O Panginoon, kay dakila ng inyong mga gawa.

Hindi namin kayang unawain.

6Hindi maunawaan ng mga hangal at matitigas ang ulo

7na kahit umunlad ang taong masama

gaya ng damong lumalago,

ang kahahantungan pa din niya

ay walang hanggang kapahamakan.

8Ngunit kayo, Panginoon,

ay dakila sa lahat magpakailanman.

9Tiyak na mapapahamak

ang lahat ng inyong kaaway

at kakalat ang lahat

ng gumagawa ng masama.

10Pinalakas nʼyo ako na

tulad ng lakas ng toro

at binigyan nʼyo rin ako ng kagalakan.

11Nasaksihan ko ang pagkatalo

ng aking mga kaaway,

at narinig ko ang pagdaing ng masasamang kumakalaban sa akin.

12Uunlad ang buhay ng mga matuwid

gaya ng mga palma,

at tatatag na parang puno ng sedro

na tumutubo sa Lebanon.

13Para silang mga punong itinanim sa templo ng Panginoon na ating Diyos,

na tumutubo nang mayabong,

14lumalago at namumunga

kahit matanda na,

berdeng-berde ang mga dahon

at nananatiling matatag.

15Ipinapakita lamang nito na ang Panginoon,

ang aking Batong kanlungan, ay matuwid.

Sa kanyaʼy walang anumang

kalikuan na matatagpuan.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help