Salmo 5 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Salmo 5Para sa direktor ng mga mang-aawit: Awit na isinulat ni David na sinasaliwan ng plauta.

1O Panginoon, mga salita koʼy iyong dinggin;

ang mga hinaing koʼy bigyang-pansin.

2Aking Diyos at Hari,

ang paghingi ko ng tulong

ay inyong dinggin,

sapagkat sa inyo ako nananalangin.

3Tuwing umaga, O Panginoon

naririnig ninyo ang aking panalangin.

Bawat umaga, akoʼy humihiling

at umaasa sa inyong kasagutan.

4Kayo ay Diyos

na hindi natutuwa sa kasamaan,

at hindi nʼyo tinatanggap

ang taong namumuhay sa kasalanan.

5Ang mga mapagmataas

ay hindi mananatili sa inyong harapan.

Ang mga taong gumagawa ng kasamaan

ay inyong kinasusuklaman.

6Pinupuksa ninyo

ang mga sinungaling.

Kinasusuklaman ninyo

ang mga mamamatay-tao

at ang mga mandaraya.

7Ngunit dahil sa inyong wagas na pag-ibig,

akoʼy makakapasok

sa inyong tahanan.

At bilang paggalang, akoʼy magpapatirapa

sa inyong banal na Templo.

8O Panginoon, akoʼy inyong gabayan

tungo sa inyong matuwid na daan,

sapagkat napakarami ng aking kalaban.

Gawin nʼyong madali kong sundan

ang iyong daan na nasa aking harapan.

9Sapagkat ang bibig ng aking mga kaaway

ay hindi mapagkakatiwalaan,

ang puso nilaʼy puno ng kapahamakan.

Katulad ng bukas na libingan

ang kanilang lalamunan;

Pawang salitang mapanlinlang

ang kanilang binibitawan.

10O Diyos, panagutin nʼyo po sila.

Nawaʼy ipahamak sila

ng sarili nilang mga plano.

Itakwil ninyo sila

dahil sa dami ng kanilang pagkakasala,

sapagkat kayoʼy sinusuway nila.

11Ngunit magalak nawa

ang lahat ng nanganganlong sa inyo;

magsiawit nawa sila

nang may kagalakan.

Ingatan nʼyo sila

na nagmamahal sa inyo,

upang silaʼy mapuno ng kagalakan.

12Pinagpapala nʼyo Panginoon

ang mga matuwid.

Ang pag-ibig nʼyo ay parang kalasag

na nag-iingat sa kanila.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help