Salmo 49 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Salmo 49Para sa direktor ng mga mang-aawit: Awit na isinulat ng mga anak ni Kora.

1Makinig kayo, lahat ng bansa,

kayong lahat na nananahan dito sa mundo!

2Dakila ka man o aba,

mayaman ka man o dukha, makinig ka,

3dahil magsasalita ako na puno ng karunungan,

at puno rin ng pang-unawa

ang aking kaisipan.

4Itutuon ko ang aking pansin sa mga kawikaan,

at ipapaliwanag ko ang kahulugan nito,

habang tinutugtog ko ang alpa.

5Bakit ako matatakot

kung may parating na panganib,

o kung akoʼy mapaligiran ng aking mga kaaway?

6Sila ay nagtitiwala sa kanilang kayamanan

at dahil dito ay nagmamayabang.

7Ngunit walang may kakayahang tubusin

ang kanyang sarili mula sa kamatayan,

kahit magbayad pa siya sa Diyos.

8Dahil napakamahal ang pagtubos sa isang buhay;

hindi sapat ang anumang pambayad

9upang ang taoʼy mabuhay magpakailanman,

at hindi na mamatay.

10Nakikita nga ng lahat,

na kahit ang marurunong ay namamatay,

ganoon din ang mga matitigas

ang ulo at mga hangal.

At maiiwan nila sa iba ang kanilang kayamanan.

11Ang kanilang libingan

ay magiging bahay nila magpakailanman.

Doon sila mananahan,

kahit may mga lupaing nakapangalan sa kanila.

12Kahit tanyag ang tao, hindi siya magtatagal;

mamamatay din siya katulad ng hayop.

13Ganito rin ang kahihinatnan ng taong nagtitiwala sa sarili,

na nasisiyahan sa sariling pananalita.

14Silaʼy nakatakdang mamatay.

Tulad sila ng mga tupa na ginagabayan ng kamatayan patungo sa libingan.

(Pagsapit ng umaga, pangungunahan sila ng mga matuwid.)

Mabubulok ang kanilang bangkay sa libingan,

malayo sa dati nilang tirahan.

15Ngunit tutubusin naman ako ng Diyos

mula sa kapangyarihan ng kamatayan.

Tiyak na ililigtas niya ako.

16Huwag kang mangamba

kung yumayaman ang iba

at ang kanilang kayamanan

ay lalo pang nadadagdagan,

17dahil hindi nila ito madadala kapag silaʼy namatay.

Ang kanilang kayamanan

ay hindi madadala sa libingan.

18Sa buhay na ito, itinuturing nila na pinagpala sila ng Diyos,

at pinupuri din sila ng mga tao

dahil nagtagumpay sila.

19Ngunit makakasama pa rin sila

ng kanilang mga ninunong namatay na,

doon sa lugar na hindi sila makakakita ng liwanag.

20Ang taong mayaman na hindi

nakakaunawa ng katotohanan

ay mamamatay katulad ng mga hayop.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help