Salmo 48 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Salmo 48Awit na isinulat ng mga anak ni Kora.

1Dakila ang Panginoon na ating Diyos,

at karapat-dapat na papurihan

sa kanyang bayan,

ang kanyang banal na bundok.

2Itoʼy mataas at maganda,

at nagbibigay kagalakan sa buong mundo.

Ang banal na bundok ng Zion

ay ang bayan ng Makapangyarihang Hari.

3Ang Diyos ay nasa mga muog ng Jerusalem,

at ipinakita niyang siya ang Tagapagligtas

ng mga taga-Jerusalem.

4Nagtipon-tipon ang mga hari

upang sumalakay sa Jerusalem.

5Ngunit noong nakita ng mga hari ang bayan,

nagulat, natakot at nagsitakas sila.

6Dahil sa takot, nanginig sila

gaya ng babaeng nanganganak na namimilipit sa sakit.

7Winasak sila ng Diyos

tulad ng mga barkong panglayag

na sinisira ng hanging amihan.

8Noon, nabalitaan natin ang ginawa ng ating Diyos,

pero ngayon, tayo mismo ang nakakita

sa ginawa niya sa kanyang bayan.

Siya ang Panginoon ng Hukbo,

at patatatagin niya ang kanyang bayan magpakailanman.

9Sa loob ng inyong Templo, O Diyos,

iniisip namin ang pag-ibig nʼyong matapat.

10O Diyos, dakila ang pangalan nʼyo,

at pinupuri kayo ng mga tao sa buong mundo.

Ang kapangyarihan nʼyo

ay laging makatarungan.

11Nagagalak ang mga mamamayan ng Zion,

at ng mga bayan ng Juda,

dahil sa inyong makatarungang paghatol.

12Mga mamamayan ng Diyos,

libutin ninyo ang Zion

at bilangin ninyo ang mga tore nito.

13Tingnan ninyong mabuti ang mga pader

at ang mga tanggulan ng bayan na ito,

upang masabi ninyo sa susunod na salinlahi,

14“Siya ang Diyos,

ang Diyos natin magpakailanman.

Siya ang gagabay sa atin

habambuhay.”

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help