Salmo 65 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Salmo 65Para sa direktor ng mga mang-aawit: Awit na isinulat ni David.

1O Diyos, marapat ka naming purihin sa Zion!

Ang mga ipinangako namin sa inyo

ay aming tutuparin.

2Sa inyo lalapit ang lahat ng tao,

dahil dinidinig nʼyo ang mga panalangin.

3Napakarami ng aming kasalanan,

ngunit pinapatawad nʼyo pa rin ang mga ito.

4Pinagpala ang taong pinili nʼyo

at inanyayahang manirahan

sa inyong Templo.

Lubos kaming magagalak

sa mga kabutihang nasa inyong tahanan,

ang inyong banal na Templo.

5O Diyos na aming Tagapagligtas,

tinugon nʼyo ang aming mga dalangin

sa pamamagitan ng inyong kamangha-manghang

pagliligtas sa amin.

Kayo ang pag-asa ng tao sa lahat ng lupain

at maging ng manlalayag sa malawak na dagat.

6Itinatag nʼyo ang mga bundok

sa pamamagitan ng inyong lakas.

Tunay ngang kayoʼy makapangyarihan.

7Pinatatahimik nʼyo ang ingay ng mga alon,

ang hampas ng karagatan,

at ang pagkakagulo ng mga tao.

8Dahil sa inyong mga kahanga-hangang ginawa,

namamangha sa inyo pati ang mga nakatira

sa malayong lugar.

Mula sa silangan hanggang kanluran,

ang mga tao ay napapasigaw

sa tuwa dahil sa inyo.

9Inaalagaan nʼyo ang lupa at dinidiligan ng ulan.

Pinabubunga at pinatataba nʼyo ito.

Ang mga ilog, O Diyos, ay patuloy ninyong pinaaagos.

Binibigyan nʼyo ng ani ang mga tao.

Ganito ang itinakda ninyo.

10Pinaulanan nʼyong mabuti ang lupang binungkal

hanggang sa itoʼy lumambot at mapuno na ng tubig.

Pagkatapos ay pinagpapala nʼyo ang mga pananim.

11Pinag-aapaw nʼyo ang panahon ng anihan,

at saan ka man dumaan ay puno ng kasaganaan.

12Kahit na ang ilang ay naging pastulan

dahil sagana sa mga damo at ang mga burol

ay parang mga taong puno ng kagalakan.

13Ang mga parang ay punong-puno

ng mga kawan ng tupa at kambing

at pawang mga pananim ang makikita

sa kapatagan.

Ang lahat ng mga lugar na ito

ay parang mga taong umaawit

at sumisigaw sa kagalakan.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help