Zacarias 10 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Nahabag ang Diyos sa Juda at sa Israel

1Humiling kayo sa Panginoon ng ulan

sa panahon ng tagsibol,

sapagkat siya ang gumagawa

ng mga ulap.

Binibigyan niya ng ulan ang mga tao

at ang bawat tanim sa parang.

2Ang mga diyos-diyosan

ay nagsasalita nang mapanlinlang;

ang mga manghuhulaʼy bulaan ang pangitain,

ang mga panaginip na kanilang

sinasabiʼy pawang kasinungalingan,

ang aliw na ibinibigay ay walang kahulugan.

Kaya ang mga taoʼy lumalaboy

tulad ng tupa,

dahil walang pastol silaʼy nagdurusa.

3Sinabi ng Panginoon,

“Galit na galit ako sa mga namumuno

sa aking mga mamamayan.

Talagang parurusahan ko sila.

Sapagkat aalalahanin

ng Panginoon ng mga Hukbo

ang kanyang kawan,

ang mga mamamayan ng Juda.

Gagawin ko silang tulad

ng mga kabayong matagumpay

sa digmaan.

4Sa kanila magmumula ang mga pinuno

na ang katulad ay batong-panulukan,

tulos ng tolda, at panang ginagamit

sa digmaan.

5Magkakaisa ang mga taga-Juda

at magiging katulad sila

ng mga sundalong malalakas

na tatalo sa mga kanilang mga kalaban

na parang putik

na tinatapak-tapakan sa lansangan.

Makikipaglaban sila

dahil kasama nila ang Panginoon,

at tatalunin nila ang mga mangangabayo.

6“Palalakasin ko ang mga mamamayan

ng Juda at ililigtas ko

ang mga mamamayan ng Israel.

Pababalikin ko sila sa kanilang lupain

dahil naaawa ako sa kanila.

At dahil ako ang Panginoon na kanilang Diyos,

diringgin ko ang kanilang mga dalangin,

na parang hindi ko sila itinakwil tulad ng dati.

7Ang mga mamamayan ng Efraim

ay magiging katulad

ng mga malalakas na kawal.

Magiging masaya sila

na parang nakainom ng alak.

Ang tagumpay na itoʼy maaalala

ng kanilang mga kaapo-apohan

at matutuwa sila

dahil sa ginawa Panginoon.

8Tatawagin ko ang aking

mga mamamayan

at titipunin ko sila.

Palalayain ko sila,

at dadami sila tulad nang dati.

9Kahit na ikinalat ko sila

sa ibang bansa,

maaalala pa rin nila ako roon.

Mananatili silang buhay

pati ang kanilang mga anak,

at babalik sila sa kanilang lupain.

10Pauuwiin ko sila

mula sa Ehipto at Asiria,

at patitirahin ko sila

sa Gilead at Lebanon.

Magiging masikip sila sa kanilang lupain.

11Tatawid sila sa dagat na maalon

ngunit magiging payapa ang mga alon.

At kahit ang Ilog ng Nilo

ay matutuyo.

Ang ipinagmamalaki ng Asiria

ay babagsak

at ang kapangyarihan ng Ehipto

ay mawawala.

12Palalakasin ko ang aking mga mamamayan

dahil nasa akin sila,

at susundin nila ako saan man sila magpunta,”

sabi ng Panginoon.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help