Awit 5 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Lalaki

1Nasa hardin ako ngayon,

aking irog na magiging kabiyak ko.

Nanguha ako ng mira

at mga pabango.

Kinain ko ang aking pulot

at ininom ang aking alak at gatas.

Mga Babae ng Jerusalem

Kayong mga nagmamahalan,

kumain kayo at uminom.

Babae

2Habang akoʼy natutulog,

nanaginip ako.

Narinig kong kumakatok

ang mahal ko.

Ang sabi niya,

“Papasukin mo ako, irog ko.

Basang-basa na ng hamog

ang ulo ko.”

3Hinubad ko na ang aking damit,

isusuot ko pa ba itong muli?

Hinugasan ko na ang aking mga paa,

dudumihan ko pa ba itong muli?

4Nang ipasok ng aking mahal

ang kanyang kamay sa tarangkahan,

nanabik sa kanya ang aking puso.

5Akoʼy bumangon

upang ang aking sintaʼy papasukin.

Basang-basa ng pabango

ang mga kamay ko,

tumutulo ang mira sa daliri ko

sa tarangkahan ng pinto.

6Binuksan ko ang pinto para sa aking mahal,

ngunit wala na siya.

Hinanap ko siya,

ngunit hindi ko siya makita.

Tinawag ko siya,

ngunit walang sumagot.

7Nakita ako ng mga guwardiya

na naglilibot sa lungsod.

Pinalo nila ako,

at akoʼy nasugatan.

Kinuha pa nila ang aking damit.

8Kayong mga babae ng Jerusalem,

mangako kayo sa akin!

Kapag nakita ninyo ang aking mahal,

sabihin ninyo sa kanyang

nanghihina ako

dahil sa pag-ibig.

Mga Babae ng Jerusalem

9O babaeng pinakamaganda,

ano baʼng mayroon sa iyong minamahal

na wala sa iba,

at kami ay iyong pinasusumpa pa?

Siya baʼy talagang nakakahigit sa iba?

Babae

10Ang aking mahal ay maningning

at ang kutis niyaʼy mamula-mula.

Sa sampung libong lalaki

ay nakahihigit siya.

11Ang ulo niyaʼy parang pinakapurong ginto.

Buhok niyaʼy kulot at kasing-itim ng uwak.

12Mga mata niyaʼy kumikinang

tulad ng kalapati sa tabi ng batis,

parang itong hinugasan ng gatas

at nakakabit na parang hiyas.

13Ang mga pisngi niyaʼy kasimbango

ng mga harding punong-puno

ng mga halamang ginagawang pabango.

Ang mga labi niyaʼy parang mga liryo

na tumutulo ng mira.

14Mga bisig niyaʼy tila

mahahabang bareta ng ginto

na napapalamutian ng mamahaling bato.

Katawaʼy tila pangil ng elepante,

makinang at napapalamutian

ng mga batong safiro.

15Mga paa niyaʼy tulad

ng mga haliging marmol

na nakatayo sa pundasyong ginto.

Napakaganda niyang pagmasdan,

tulad ng mga puno ng sedro sa Lebanon.

16Kay tamis halikan

ang kanyang bibig.

Tunay ngang siyaʼy kaakit-akit.

O mga babae ng Jerusalem,

siya ang aking mahal,

ang aking iniibig.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help