Salmo 46 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Salmo 46Para sa direktor ng mga mang-aawit: Awit na isinulat ng mga anak ni Kora. Inaawit ito ng soprano.

1Ang Diyos ang ating kanlungan

at kalakasan.

Siyaʼy laging nakahandang sumaklolo

sa oras ng kagipitan.

2Kaya huwag tayong matatakot

kahit lumindol man,

at gumuho ang mga bundok

at bumagsak sa karagatan.

3Humampas man at umugong

ang mga alon na naglalakihan,

at mayanig ang kabundukan.

4May ilog na nagbibigay ng kagalakan

sa bayan ng Diyos,

sa banal na tahanan ng Kataas-taasang Diyos.

5Ang Diyos ay nakatira sa lungsod na ito

kaya hindi ito magigiba.

Itoʼy kanyang ipagtatanggol sa kinaumagahan.

6Nagkakagulo ang mga bansa;

bumabagsak ang mga kaharian.

Sa sigaw ng Diyos, ang mga tao

ay parang matutunaw sa takot.

7Ang Panginoon ng mga Hukbo

ay kasama natin.

Ang Diyos ni Jacob

ang kanlungan natin.

8Halika, tingnan mo ang mga kahanga-hangang bagay

na ginagawa ng Panginoon sa mundo.

9Kanyang pinatitigil ang mga digmaan

sa lahat ng sulok ng mundo.

Binabali niya ang mga sibat,

pinuputol ang mga pana,

at sinusunog ang mga kalasag.

10Sinasabi niya,

“Tumigil kayo at kilalanin ninyo na ako ang Diyos.

Akoʼy pararangalan sa mga bansa.

Akoʼy papupurihan sa buong mundo.”

11Kasama natin ang Panginoon ng mga Hukbo.

Ang Diyos ni Jacob ang ating kanlungan.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help