Salmo 60 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Salmo 60Para sa direktor ng mga mang-aawit: Awit na isinulat ni David pagkatapos ng kanyang pakikipaglaban sa mga taga-Aram Naharaim at sa mga taga-Aram-zoba at pag-uwi ni Joab mula sa pakikipaglaban at pagpatay sa 12,000 Edomita sa lambak na tinatawag na Asin. Inaawit ito sa tono ng awiting, “Liryo ng Kasunduan.”

1O Diyos, itinakwil nʼyo kami

at pinabayaang malupig.

Nagalit kayo sa amin

ngunit ngayon sanaʼy ipakita ninyo

ang inyong kabutihan.

2Niyanig nʼyo ang kalupaan

at pinagbitak-bitak,

ngunit kung maaari, ayusin nʼyo po sana

dahil itoʼy parang babagsak na.

3Labis-labis na hirap

ang ipinaranas ninyo sa amin

na inyong mamamayan.

Para nʼyo kaming nilasing sa alak

at ngayon kamiʼy sumusuray-suray.

4Ngunit para sa mga may takot sa inyo,

nagtaas kayo ng bandila bilang palatandaan

ng aming pagtitipon sa oras ng labanan.

5Iligtas nʼyo kami at tulungan

sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.

Pakinggan nʼyo kami,

upang kaming mga minamahal nʼyo

ay maligtas.

6O Diyos, sinabi nʼyo roon sa inyong templo,

“Magtatagumpay ako! Hahatiin ko ang Shekem at ang kapatagan ng Sucot

upang ipamigay sa aking mga mamamayan.

7Sa akin ang Gilead at Manases,

ang Efraim ay gagawin kong tanggulan

at ang Juda ang aking tagapamahala.

8Ang Moab ang aking utusan

at ang Edom ay sa akin din.

Sisigaw ako ng tagumpay

laban sa mga Filisteo.”

9Sinong magdadala sa akin sa Edom

at sa bayan nito na napapalibutan ng pader?

10Sino na ang makakatulong, O Diyos,

ngayong itinakwil nʼyo na kami?

Ni hindi na nga kayo sumasama

sa aming mga kawal.

11Tulungan nʼyo kami laban sa aming mga kaaway,

dahil ang tulong ng tao

ay walang kabuluhan.

12Sa tulong nʼyo, O Diyos,

kamiʼy magtatagumpay

sapagkat tatalunin nʼyo

ang aming mga kaaway.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help