Salmo 34 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Salmo 34Awit na isinulat ni David noong siyaʼy nagbaliw-baliwan sa harapan ni Abimelec, kaya itinaboy siya nito at siyaʼy umalis.

1Pupurihin ko ang Panginoon

sa lahat ng oras.

Ang aking bibig ay hindi titigil

sa pagpupuri sa kanya.

2Ipagmamalaki ko ang gawa ng Panginoon;

maririnig ito ng mga api

at silaʼy magagalak.

3Halikayo! Ipahayag natin

ang kadakilaan ng Panginoon,

at itaas natin ang kanyang pangalan.

4Akoʼy nanalangin sa Panginoon

at akoʼy kanyang sinagot.

Pinalaya niya ako sa lahat

ng aking takot.

5Ang mga umaasa sa kanya

ay nagniningning ang mata

sa kaligayahan,

at walang bahid ng hiya

sa kanilang mukha.

6Noong wala na akong pag-asa,

tumawag ako sa Panginoon.

Akoʼy kanyang pinakinggan

at iniligtas sa lahat ng mga dinaranas

kong kahirapan.

7Ang anghel ng Panginoon

ay nagbabantay

sa mga may takot sa Diyos,

at ipinagtatanggol niya sila.

8Subukan ninyo at inyong makikita,

kung gaano kabuti ang Panginoon.

Napakapalad ng taong naghahanap ng kaligtasan sa kanya!

9Kayong mga hinirang ng Panginoon,

matakot kayo sa kanya,

dahil ang may takot sa kanya

ay hindi kukulangin sa lahat

ng pangangailangan.

10Kahit mga leon ay kukulangin

sa pagkain at magugutom,

ngunit hindi kukulangin

ng mabubuting bagay

ang mga nagtitiwala sa Panginoon.

11Lumapit kayo, kayong gustong matuto sa akin.

Pakinggan ninyo ako at tuturuan ko kayo

ng pagkatakot sa Panginoon.

12Kung nais ninyo ng masaya

at mahabang buhay,

13iwasan ninyo ang masamang pananalita

at pagsisinungaling.

14Lumayo kayo sa masama

at gawin ninyo ang mabuti.

Pagsikapan ninyong kamtin

ang kapayapaan.

15Iniingatan ng Panginoon

ang mga matuwid,

at pinakikinggan niya ang kanilang mga daing.

16Ngunit kinakalaban ng Panginoon

ang mga gumagawa ng masama.

Silaʼy kanyang nililipol

hanggang sa hindi na sila maalala

ng mga tao sa mundo.

17Tinutugon ng Panginoon ang panalangin

ng mga matuwid,

at inililigtas sila sa lahat ng mga suliranin.

18Malapit ang Panginoon

sa mga may bagbag na puso,

at tinutulungan niya ang mga nawawalan ng pag-asa.

19Marami ang paghihirap

ng mga matutuwid,

ngunit inililigtas sila ng Panginoon

sa lahat ng ito.

20Silaʼy iniingatan ng Panginoon,

at kahit isang buto nilaʼy hindi mababali.

21Ang masamang tao ay papatayin

ng kanyang kasamaan.

At silang nagagalit sa taong matuwid

ay parurusahan ng Diyos.

22Ngunit ililigtas ng Panginoon

ang kanyang mga lingkod,

at hindi parurusahan ang isa man

sa mga naghahanap ng kaligtasan sa kanya.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help