Nahum 1 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

1Ito ay isang propesiya patungkol sa Nineve. Nilalaman ng aklat na ito ang mga pangitain ni Nahum na taga-Elcos.

Ang Galit ng Panginoon

sa Nineve

2Ayaw ng Panginoong Diyos

na sumamba ang mga tao

sa ibang mga diyos.

Galit siya sa kanyang mga kaaway

at pinaghihigantihan niya sila.

3Ang Panginoon

ay hindi madaling magalit,

ngunit dakila ang kanyang kapangyarihan

at tiyak na parurusahan niya ang nagkasala.

Kapag dumadaan siya,

umuugong ang hangin at bumabagyo.

Ang mga ulap ay parang alikabok

sa kanyang mga paa.

4Sa utos lamang niyaʼy natutuyo

ang mga dagat at mga ilog.

Nalalanta ang mga tanim sa Bashan,

sa Bundok ng Carmel at sa Lebanon.

5Nayayanig ang mundo sa kanyang presensya,

pati na ang mga bundok at mga burol,

at ang mga tao sa mundo ay nanginginig.

6Sino ang makakatagal

sa matinding galit ng Panginoon?

Kapag siya ay nagalit,

para siyang bumubuga ng apoy,

at ang mga bato ay nabibiyak sa harap niya.

7Ang Panginoon ay mabuti;

matibay siyang kanlungan

sa oras ng kagipitan,

at inaalagaan niya ang nananalig sa kanya.

8Sa pamamagitan ng rumaragasang baha

Pupuksain niya ang Nineve.

Tutugisin niya sila hanggang sa mamatay.

9Ano man ang kanilang masamang

binabalak laban sa Panginoon

ay kanyang wawakasan;

ang kaguluhang dulot nila

ay hindi na mauulit pa.

10Para kayong mga lasing

na nakapulupot sa matinik na halaman.

Lilipulin kayo na parang natutupok na dayami.

11Ang isa sa inyong mga pinuno

ay nagbalak ng masama laban

sa mga mamamayan ng Panginoon.

Masama ang kanyang ipinapayo.

12Ito ang sinasabi ng Panginoon sa mga taga-Juda:

“Kahit na malakas at marami

ang kalaban ninyong taga-Asiria,

lilipulin ko sila hanggang sa mawala.

Kahit na pinarusahan ko kayo,

hindi ko na iyon uulitin pang muli.

13Ngayoʼy babaliin ko ang pamatok

ng pang-aalipin mula sa inyong mga leeg,

at kakalasin ko ang tanikala

ng pang-aapi ng mga taga-Asiria.”

14Ito naman ang sinasabi

ng Panginoon sa mga taga-Asiria:

“Mawawala ang lahi ninyo at wawasakin ko

ang mga rebulto ninyong kahoy o metal

sa templo ng inyong mga diyos-diyosan.

Ihahanda ko na ang inyong mga libingan

dahil hindi na kayo dapat mabuhay.”

15Mga taga-Juda,

tingnan ninyo ang kabundukan!

Dumarating na ang mensaherong

maghahatid ng magandang balita

ng kapayapaan sa inyong bayan.

Kaya ipagdiwang ninyo ang inyong mga pista,

at tuparin ninyo

ang inyong mga panata sa Panginoon.

Sapagkat ang masamang bansa ng Asiria

ay hindi na sasalakay sa inyo,

dahil lubusan na silang lilipulin.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help