Salmo 86 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Salmo 86Ang Panalangin ni David.

1 Panginoon, inyong dinggin at sagutin

ang aking panalangin

sapagkat akoʼy naghihirap

at nangangailangan.

2Ingatan nʼyo ang buhay ko

sapagkat akoʼy tapat sa inyo.

Kayo ang aking Diyos,

iligtas nʼyo ang inyong lingkod

na nagtitiwala sa inyo.

3Panginoon, maawa kayo sa akin

dahil buong araw akong

tumatawag sa inyo.

4Bigyan nʼyo ng kagalakan

ang inyong lingkod, Panginoon,

dahil saʼyo ako nananalangin.

5Tunay kayong mabuti at mapagpatawad,

O Panginoon,

puno ng pag-ibig sa lahat

ng tumatawag sa inyo.

6Pakinggan nʼyo ang aking dalangin,

Panginoon.

Ang pagsusumamo koʼy

inyong dinggin.

7Akoʼy tumatawag sa inyo

sa oras ng kagipitan

dahil sinasagot nʼyo ako.

8Walang diyos na katulad nʼyo,

Panginoon;

walang sinumang makakagawa

ng mga ginawa ninyo.

9Ang lahat ng bansa na inyong ginawa,

ay lalapit at sasamba sa inyo,

Panginoon.

Pupurihin nila ang inyong pangalan.

10Sapagkat makapangyarihan kayo

at ang mga gawa nʼyo

ay kahanga-hanga.

Kayo ang nag-iisang Diyos.

11 Panginoon, ituro nʼyo sa akin

ang inyong pamamaraan,

at susundin ko ito nang may katapatan.

Bigyan nʼyo ako ng pusong

may takot sa inyo.

12Panginoon kong Diyos,

buong puso ko kayong pasasalamatan.

Pupurihin ko ang inyong pangalan

magpakailanman.

13Sapagkat ang inyong pag-ibig

sa akin ay dakila.

Iniligtas nʼyo ako mula sa kamatayan.

14O Diyos, sinasalakay ako

ng mga mayayabang

gusto akong patayin

ng mga walang awa.

Malulupit sila at hindi kumikilala sa inyo.

15Ngunit kayo, Panginoon,

ay Diyos

na nagmamalasakit at mahabagin.

Wagas ang pag-ibig nʼyo,

at hindi kayo madaling magalit.

16Bigyang-pansin nʼyo ako

at kahabagan;

bigyan nʼyo ako ng inyong kalakasan

at iligtas ako na inyong lingkod.

17Ipakita sa akin ang tanda

ng inyong kabutihan,

upang makita ito ng aking mga kaaway

at nang silaʼy mapahiya.

Dahil kayo, Panginoon,

ang tumutulong at umaaliw sa akin.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help