Salmo 91 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Salmo 91

1Ang sinumang nananahan

sa piling ng Kataas-taasang Diyos

na Makapangyarihan

ay kakalingain niya.

2Ito ang masasabi ko tungkol sa Panginoon,

“Siya ang kumakalinga

at nagtatanggol sa akin.

Siya ang aking Diyos

at sa kanya ako nagtitiwala.”

3Tiyak na ililigtas ka niya

sa bitag ng masasama

at sa mga nakamamatay na salot.

4Iingatan ka niya

gaya ng pag-iingat ng inahin

sa kanyang mga inakay

sa pamamagitan ng kanyang pakpak.

Ang kanyang katapatan

ang iyong magiging pananggalang

at tanggulan.

5At sa gabi, hindi ka matatakot

sa anumang bagay,

maging sa palaso ng mga kaaway,

kapag sumapit ang araw,

6o sa sakit at mga salot na dumarating

sa gabi man o araw.

7Kahit libu-libo pa ang mamatay

sa paligid mo,

wala pa ring masamang mangyayari saʼyo.

8Matutunghayan mo lamang

kung paano pinaparusahan

ang mga taong masasama.

9Dahil ginawa mong kanlungan ang Panginoon,

ang Kataas-taasang Diyos na aking tagapagtanggol,

10walang kasamaan, kalamidad

o anumang salot

ang darating sa iyo o sa iyong tahanan.

11Sapagkat uutusan ng Diyos

ang kanyang mga anghel

na ingatan ka saan ka man magpunta.

12Bubuhatin ka nila upang hindi tumama

ang iyong mga paa sa bato.

13Tatapakan mo ang mga leon

at mga makamandag na ahas.

14Sinabi ng Diyos,

“Ililigtas ko at iingatan ang umiibig

at kumikilala sa akin.

15Kapag tumawag siya sa akin,

sasagutin ko siya.

Sasamahan ko siya,

sa oras ng kaguluhan.

Ililigtas ko siya at pararangalan.

16Bibigyan ko siya ng mahabang buhay

at ipararanas ko sa kanya

ang aking pagliligtas.”

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help