Salmo 55 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Salmo 55Para sa direktor ng mga mang-aawit: Isang maskil ni David na sinasaliwan ng mga instrumentong may kuwerdas.

1O Diyos, dinggin nʼyo

ang aking dalangin.

Ang paghingi ko ng tulong

ay bigyan nʼyo ng pansin.

2Pakinggan nʼyo ako at sagutin,

naguguluhan ako sa aking

mga suliranin.

3Nag-aalala na ako sa pananakot

at pang-aapi ng aking mga kaaway.

Sapagkat galit na galit sila,

ginugulo nila ako at pinagbabantaan.

4Kumakabog ang dibdib ko

sa takot na akoʼy mamatay.

5Nanginginig ako sa labis na takot;

nilalamon ako ng sindak.

6At nasabi ko ito:

“Kung may pakpak lang ako

tulad ng kalapati,

lilipad ako at maghahanap

ng mapagpapahingahan.

7Lilipad ako ng malayo

at doon mananahan sa ilang.

8Maghahanap agad ako

ng mapagtataguan

upang makaiwas sa galit

ng aking mga kaaway

na tulad malakas na hangin o bagyo.”

9Panginoon, lituhin nʼyo

ang aking mga kaaway

at guluhin nʼyo ang kanilang

mga pag-uusap.

Dahil nakita ko ang karahasan

at kaguluhan sa lungsod.

10Araw-gabi itong nangyayari.

Ang lungsod ay puno ng kasamaan

at kaguluhan.

11Laganap ang kasamaan

at walang tigil ang pang-aapi

at pandaraya sa mga lansangan.

12Matitiis ko kung ang kaaway ko

ang kumukutya sa akin.

Kung ang isang taong galit sa akin

ang magmamalaki sa akin,

maiiwasan ko siya.

13Ngunit mismong kagaya ko,

kasama ko at kaibigan ko

ang sa akin ay nang-iinsulto.

14Dati, malapít kami sa isaʼt isa,

at magkasama pa kaming

pumupunta sa bahay ng Diyos.

15Sanaʼy mamatay na lang bigla

ang aking mga kaaway.

Sanaʼy malibing silang buhay

sa lugar ng mga patay.

Sapagkat kasamaan

ang nasa puso nila

at sa kanilang mga tahanan.

16Ngunit ako ay humihingi ng tulong

sa Panginoong Diyos,

at inililigtas niya ako.

17Umaga, tanghali at gabi,

dumadaing ako at nananaghoy,

at akoʼy pinapakinggan niya.

18Inililigtas niya ako at iniingatan

sa aking pakikipaglaban,

kahit napakarami ng aking

mga kalaban.

19Pakikinggan ako ng Diyos

na naghahari magpakailanman,

at ibabagsak niya ang aking mga kaaway.

Dahil ang aking mga kaaway

ay hindi nagbabago at walang takot sa Diyos.

20Kinalaban ng dati kong kaibigan

ang kanyang mga kaibigan;

at hindi niya tinupad ang kanyang

mga pangako.

21Malumanay at mahusay

nga siyang magsalita,

ngunit puno naman ng poot

ang kanyang puso,

at ang kanyang pananalita

ay nakakasugat

tulad ng matalim na espada.

22Ibigay mo sa Panginoon

ang iyong mga alalahanin

at ikaw ay kanyang kakalingain.

Hindi niya pababayaan

ang mga matuwid, magpakailanman.

23Ngunit itatapon niya

ang mga mamamatay-tao

at ang mga mandaraya

sa napakalalim na hukay

bago mangalahati ang kanilang buhay.

Ngunit ako, akoʼy magtitiwala sa kanya.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help