Genesis 35 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Bumalik si Jacob sa Betel

1Ngayon, sinabi ng Diyos kay Jacob, “Maghanda ka, pumunta ka sa Betel at doon manirahan. Gumawa ka ng altar doon para sa akin, ang Diyos na nagpakita sa iyo nang tumakas ka sa kapatid mong si Esau.”

2Kaya sinabi ni Jacob sa sambahayan niya at sa lahat ng kasama niya, “Itapon ninyo ang inyong mga diyos-diyosan. Maglinis kayo ng inyong mga sarili at magbihis ng malinis na damit.

3Pagkatapos, pupunta tayo sa Betel, at gagawa ako roon ng altar upang sumamba sa Diyos na tumulong sa akin noong nasa kahirapan ako, at aking kasama kahit saan ako pumaroon.”

4Kaya ibinigay nila kay Jacob ang kanilang mga diyos-diyosan pati na ang kanilang mga hikaw. Ibinaon ni Jacob ang lahat ng ito sa ilalim ng punongkahoy na terebinto malapit sa Shekem.

5Nang umalis na sina Jacob, pinagharian ng takot mula sa Diyos ang mga tao sa palibot ng mga bayan, kaya hindi sila lumusob at hindi nila hinabol sila Jacob.

6Nakarating sila Jacob at ang mga kasama niya sa Luz (na tinatawag ding Betel) doon sa Canaan.

7Gumawa siya roon ng altar. Tinawag niya ang lugar na iyon na El-betel dahil nagpakita sa kanya roon ang Diyos nang tumakas siya sa kanyang kapatid.

8Namatay si Debora na tagapag-alaga ni Rebeca. Kaya inilibing siya sa ilalim ng punongkahoy na terebinto na nasa paanan ng Betel. Tinawag iyon na punongkahoy na Alon-bacut.

9Nang umuwi si Jacob mula sa Padan-aram, muling nagpakita ang Diyos sa kanya at binasbasan siya.

10Sinabi ng Diyos sa kanya, “Jacob ang pangalan mo, ngunit mula ngayon hindi ka na tatawaging Jacob kundi Israel na.” Kaya naging Israel ang pangalan ni Jacob.

11Sinabi pa ng Diyos sa kanya, “Ako ang Diyos na Makapangyarihan. Magkakaroon ka ng maraming anak. Magiging ama ka ng isang bansa at ng marami pang bansa, at magiging hari ang iba mong mga lahi.

12Ang lupaing ibinigay ko kay Abraham at kay Isaac ay ibibigay ko rin sa iyo at sa iyong mga lahi.”

13Pagkatapos, umalis ang Diyos sa lugar na iyon kung saan nakipag-usap siya kay Jacob.

14At si Jacob ay nagtayo roon ng batong alaala kung saan niya nakausap ang Diyos. Binuhusan niya agad ng alak ang bato bilang handog na inumin at binuhusan din ng langis ng olibo.

15Pinangalanan niya ang lugar na iyon na Betel.

Ang Pagkamatay nina Raquel at Isaac

16Umalis si Jacob at ang sambahayan niya sa Betel. Manganganak na noon si Raquel. Malayo pa sila sa bayan ng Efrata, sumakit na ang tiyan ni Raquel.

17Nang matindi na ang sakit, sinabi ng manghihilot sa kanya, “Huwag kang matakot Raquel, lalaki na naman ang anak mo.”

18Isinilang ang sanggol ngunit nasa bingit ng kamatayan si Raquel. Bago siya malagutan ng hininga, pinangalanan niya ang sanggol na Benoni. Ngunit pinangalanan ni Jacob ang sanggol na Benjamin.

19Namatay si Raquel at inilibing sa tabi ng daan na papunta sa Efrata (na tinatawag ngayong Bethlehem).

20Nilagyan ni Jacob ng bato ang libingan ni Raquel bilang palatandaan, at hanggang ngayon naroon pa rin ang palatandaang ito.

21Nagpatuloy sina Jacob sa kanilang paglalakbay. Pagdating nila sa kabilang panig ng Migdal-eder, nagtayo sila roon ng kanilang mga tolda.

22Habang nakatira roon sila Jacob, sumiping si Ruben kay Bilha na isa sa mga asawang alipin ng kanyang ama. Nang malaman iyon ni Jacob, galit na galit siya.

May labindalawang anak na lalaki si Jacob.

23Ang mga anak niya kay Lea ay sina Ruben na panganay, sina Simeon, Levi, Juda, Isacar at Zebulun.

24Ang mga anak niya kay Raquel ay sina Jose at Benjamin.

25Ang mga anak niya kay Bilha na alipin ni Raquel ay sina Dan at Neftali.

26Ang mga anak niya kay Zilpa na alipin ni Lea ay sina Gad at Asher.

Silang lahat ang anak na lalaki ni Jacob na isinilang sa Padan-aram.

27Pumunta si Jacob sa ama niyang si Isaac sa Mamre, malapit sa Kiriat-arba (na tinatawag ding Hebron). Ito ang lugar na tinirhan ni Isaac na siya ring tinirhan noon ni Abraham.

28Nabuhay si Isaac ng 180 taon.

29Namatay siya sa katandaan na kontento sa kanyang buhay, at kasama na ng kanyang mga kamag-anak na sumakabilang buhay na. Inilibing siya ng kanyang mga anak na sina Esau at Jacob.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help