1Naging matatag ang paghahari ni Solomon na anak ni David sa kaharian niya dahil kasama niya ang Panginoon na kanyang Diyos, at siyaʼy ginawa niyang makapangyarihan.
2Nakipag-usap si Solomon sa lahat ng mga Israelita, sa mga kumander ng mga libo-libo at daan-daang mga sundalo, sa mga hukom, sa lahat ng pinuno ng Israel, at sa mga pinuno ng mga pamilya.
3Pagkatapos, umalis si Solomon at ang lahat ng naroon, at pumunta sila sa sambahan sa mataas na lugar sa Gibeon, dahil naroon ang Toldang Tipanan ng Diyos. Ito ang toldang itinayo ni Moises na lingkod ng Panginoon sa ilang noon.
4Nang panahong iyon, nailipat na ni David ang Kahon ng Diyos mula sa Kiriat-jearim papunta sa toldang inihanda niya para dito, doon sa Jerusalem.
5Ngunit ang tansong altar na ginawa ni Bezalel na anak ni Uri at apo ni Hur ay naroon pa sa Gibeon sa harap ng Tolda ng Panginoon. Kaya doon nagtipon si Solomon at ang lahat ng tao upang magtanong sa Panginoon.
6Pagkatapos, umakyat si Solomon sa tansong altar sa presensya ng Panginoon sa Toldang Tipanan, at naghandog ng isang libong handog na sinusunog.
7Nang gabing iyon, nagpakita ang Diyos kay Solomon at sinabi sa kanya, “Humingi ka ng kahit ano at ibibigay ko ito sa iyo.”
8Sumagot si Solomon, “Ipinakita po ninyo ang inyong dakilang kabutihan sa aking amang si David. At ngayon, ipinalit nʼyo ako sa kanya bilang hari.
9Kaya ngayon, Panginoong Diyos, tuparin nʼyo po ang pangako nʼyo sa aking amang si David, dahil ginawa nʼyo po akong hari ng mga taong kasindami ng buhangin.
10Bigyan nʼyo po ako ng karunungan at kaalaman upang mapamahalaan ko ang mga taong ito. Dahil sino po ba ang may kakayahang mamahala sa mga mamamayan ninyo na napakarami?”
11Sinabi ng Diyos kay Solomon, “Dahil iyan ang iyong kagustuhan na matulungan ang iyong mga mamamayan at hindi ka humingi ng kayamanan, o karangalan, o kamatayan ng iyong mga kalaban, o ng mahabang buhay, kundi humingi ka ng karunungan at kaalaman para sa maayos na pamamahala ng aking mga mamamayan na kung saan ginawa kitang hari,
12ibibigay ko sa iyo ang iyong hinihingi. At hindi lang iyan, bibigyan din kita ng mga kayamanan, ari-arian at karangalan na hindi pa nakamtan ng sinumang hari noon at sa darating na panahon.”
13Pagkatapos, umalis si Solomon sa Toldang Tipanan doon sa sambahan sa matataas na lugar na nasa Gibeon, at bumalik sa Jerusalem. At naghari siya sa Israel.
14Nakapagtipon si Solomon ng isang libo at apatnaraang karwahe at labindalawang libong kabayo. Inilagay niya ang iba nito sa mga lungsod na taguan ng kanyang mga karwahe, at ang ibaʼy doon sa Jerusalem.
15Noong panahong siya ang hari, ang pilak at ginto sa Jerusalem ay kasing-ordinaryo lang ng bato, at ang kahoy na sedro ay kasindami ng mga sikomoro sa mga kaburulan sa kanluran.
16Ang mga kabayo ni Solomon ay inangkat pa sa Ehipto at sa Cilicia. Binili ito sa Cilicia ng kanyang mga tagabili sa tamang halaga.
17Nang panahong iyon, ang halaga ng karwahe na mula sa Ehipto ay animnaraang pirasong pilak at ang kabayo ay 150 pirasong pilak. Ipinagbili rin nila ito sa lahat ng hari ng mga Heteo at mga Arameo.
Who We AreWhat We EelieveWhat We Do
2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.