Salmo 8 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Salmo 8Para sa direktor ng mga mang-aawit: Awit na isinulat ni David na sinasaliwan ng isang uri ng instrumento o inaawit ayon sa isang uri ng tono.

1O Panginoon, aming Panginoon,

ang kadakilaan ng inyong pangalan

sa buong mundo ay matutunghayan,

at ipinakita nʼyo ang inyong kaluwalhatian

hanggang sa kalangitan.

2Kahit ang mga bata at sanggol

sa inyoʼy nagpupuri;

Kaya ang inyong mga kaaway

ay napapahiya at tumatahimik.

3Kapag akoʼy tumitingala

sa langit na inyong nilikha,

at aking pinagmamasdan ang buwan

at mga bituin sa kanilang kinalalagyan,

4akoʼy napapatanong,

“Ano ba ang tao upang inyong alalahanin?

Sino nga ba siya upang inyong kalingain?”

5Ginawa ninyong mas mababa

kaysa sa mga anghel

ang kanyang kalagayan.

Ngunit kinoronahan nʼyo siya

ng kaluwalhatian at karangalan.

6Ipinamahala nʼyo sa amin

ang inyong mga nilalang,

at ipinasailalim sa amin

ang lahat ng bagay:

7mga tupa, mga baka

at lahat ng mga mababangis na hayop,

8ang mga ibon sa himpapawid,

mga isda sa dagat

at lahat ng lumalangoy doon.

9O Panginoon, aming Panginoon,

ang kadakilaan ng inyong pangalan

sa buong mundo ay natutunghayan.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help