1Mga anak kayo ng Panginoon na inyong Diyos. Kaya kung magluluksa kayo sa patay, huwag ninyong susugatan ang mga sarili ninyo o aahitan ang mga ulo ninyo.
2Sapagkat mga mamamayan nga kayo ng Panginoon na inyong Diyos. Sa lahat ng tao sa mundo, kayo ang kanyang pinili na maging espesyal niyang mga mamamayan.
3Huwag kayong kakain ng anumang hayop na itinuturing na kasuklam-suklam.
4Ito ang mga hayop na maaari ninyong kainin: baka, tupa, kambing,
5usa, mailap na kambing, mailap na tupa at iba pang uri ng usa.
6Maaari ninyong kainin ang anumang hayop na biyak ang kuko at ngumunguya ng kanilang kinain.
7Ngunit huwag ninyong kakainin ang mga hayop na nginunguyang muli ang kinain nito ngunit hindi biyak ang kuko, gaya ng kamelyo, kuneho at daga sa batuhan. Ituring ninyong marumi ang mga hayop na ito.
8Huwag din ninyong kakainin ang baboy, dahil kahit biyak ang kuko nito, hindi naman nginunguya ang kinakain nito. Ito ay marumi. Huwag ninyong kakainin ang mga hayop na ito o hahawakan ang kanilang patay na katawan.
9Maaari ninyong kainin ang anumang hayop na nabubuhay sa tubig na may palikpik at kaliskis.
10Ngunit huwag ninyong kainin ang walang palikpik at kaliskis. Ituring ninyo itong marumi.
11Maaari ninyong kainin ang anumang klase ng ibon na itinuturing na malinis.
12-18Ngunit huwag ninyong kakainin ang mga ibon katulad ng agila, uwak, buwitre, mga uri ng lawin, kuwago, ibong maninila, ibong dumadagit ng isda, tagak, at paniki.
19Huwag din ninyong kakainin ang mga kulisap na may pakpak na gumagapang. Marumi ang mga ito.
20Ngunit maaari ninyong kainin ang mga kulisap na itinuturing na malinis.
21Huwag ninyong kakainin ang anumang hayop na patay na. Maaari ninyo itong ipagbili sa mga dayuhan o ibigay sa mga dayuhang naninirahang sa bayan nʼyo, at kakainin nila ito. Ngunit huwag kayong kakain nito dahil ibinukod kayo bilang mamamayan ng Panginoon na inyong Diyos.
Huwag ninyong lulutuin ang batang kambing sa gatas ng kanyang ina.
Ang Ikapu22Dapat ninyong ibukod ang ikasampung bahagi ng lahat ng ani ng inyong bukid bawat taon.
23Dalhin ninyo ang ikasampung bahagi ng trigo, bagong alak at langis, at ang panganay ng inyong mga hayop sa lugar na pipiliin ng Panginoon na inyong Diyos kung saan pararangalan siya. Doon ninyo ito dalhin sa kanyang presensya. Gawin ninyo ito para matuto kayo na laging gumalang sa Panginoon na inyong Diyos.
24Ngunit kung malayo sa inyo ang lugar na pinili ng Panginoon, at mahihirapan kayo sa pagdadala ng ikasampung bahagi ng mga pagpapala ng Panginoon na inyong Diyos,
25ipagpalit ninyo ang ikasampung bahagi ninyo sa pilak at dalhin ninyo ito roon sa lugar na pinili ng Panginoon na inyong Diyos.
26Pagkatapos, ang pilak na iyon ang ipambili ninyo ng baka, tupa, alak o ng iba pang inumin, o ng anumang magustuhan ninyo. Pagkatapos, kainin ninyo ito ng inyong pamilya sa harapan ng Panginoon na inyong Diyos at magsaya.
27At huwag ninyong kalilimutan ang mga Levita na naninirahan sa bayan ninyo, dahil wala silang bahagi o lupang minana.
28Sa pagtatapos ng bawat tatlong taon, tipunin ninyo ang ikasampung bahagi inyong ng ani sa taong iyon, at dalhin ninyo ito sa pinagtataguan nito sa mga bayan ninyo.
29Ibigay ninyo ito sa mga Levita na walang minanang lupa, sa mga dayuhan na naninirahang kasama ninyo, sa mga ulila at sa mga biyuda sa bayan ninyo upang makakain din sila at mabusog. Kapag ginawa ninyo ito, pagpapalain kayo ng Panginoon na inyong Diyos sa lahat ng ginagawa ninyo.
Who We AreWhat We EelieveWhat We Do
2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.