Kawikaan 22 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

1Mas mabuting piliin ang malinis na pangalan

kaysa sa maraming kayamanan.

Ang paggalang ng tao sa iyo

ay mas mahalaga pa

kaysa pilak at ginto.

2Ang Panginoon ang lumikha sa tao,

mayaman man o mahirap.

3Ang taong maalam

ay umiiwas kung may panganib,

ngunit ang wala sa katinuan

ay sumusuong sa panganib,

kaya napapahamak.

4Ang paggalang sa Panginoon

at pagpapakumbaba

ay magdudulot sa iyo ng mahabang buhay,

kayamanan at karangalan.

5Lumalakad ang taong masama

sa daang matinik

at may mga patibong.

Ang nag-iingat sa sarili

ay umiiwas sa daang iyon.

6Ituro sa bata ang daang

dapat niyang sundan,

at kahit sa kanyang pagtanda

ay hindi niya ito kalilimutan.

7Ang mahihirap ay nasa ilalim

ng kapangyarihan ng mayayaman,

at ang nangungutang

ay alipin ng nagpapautang.

8Ang naghahasik ng kasamaan

ay aani ng kapahamakan,

at matitigil na ang kanyang

pamiminsala sa iba.

9Ang nagbibigay ng pagkain sa dukha

ay tiyak na pagpapalain.

10Kapag pinalayas mo

ang mga taong nanunuya,

mawawala na ang alitan,

kaguluhan at pang-iinsulto.

11Ang taong may malinis na puso

at mahinahon magsalita

ay magiging kaibigan ng hari.

12Binabantayan ng Panginoon

ang mga taong may karunungan,

ngunit sinisira niya ang plano

ng mga taksil.

13Ang taong tamad ay laging may dahilan,

sinasabi niyang baka siya

ay lapain ng leon sa daan.

14Ang salita ng masamang babae

ay parang malalim na hukay,

at doon nahuhulog

ang kinamumuhian ng Panginoon.

15Likas sa mga bata ang pagiging pilyo,

ngunit magiging matuwid sila

kung didisiplinahin.

16Ang nagreregalo sa mayaman

o nang-aapi sa mahihirap

upang yumaman

ay hahantong din sa karalitaan.

Ang Tatlumpung Mahahalagang KawikaanUnang Kawikaan

17Pakinggan mo ang mga sinasabi

ng marurunong.

Pakinggan mong mabuti

habang itinuturo ko ito sa iyo,

18dahil magbibigay ito sa iyo

ng kaligayahan

kung malalaman mo ito at masasaulo.

19Itinuturo ko ito sa iyo ngayon

upang magtiwala ka sa Panginoon.

20Ang tatlumpung kawikaang ito

na isinulat ko

ay magdudulot sa iyo

ng mga karunungan at payo.

21Sa pamamagitan nitoʼy malalaman mo

ang mga katotohanan

at masasagot mo

ang mga magtatanong sa iyo.Ikalawang Kawikaan

22Huwag mong abusuhin

ang mga mahihirap

o apihin man sila sa mga hukuman,

23sapagkat ipagtatanggol sila

ng Panginoon.

Anuman ang gawin ninyong

masama sa kanila

ay gagawin din niya sa inyo.

Ikatlong Kawikaan

24Huwag kang makipagkaibigan

sa taong madaling magalit,

25baka mahawa ka sa kanyang pag-uugali

at para ka na ring naglagay

ng bitag para sa iyong sarili.

Ikaapat na Kawikaan

26Huwag kang mangangako

na magbabayad sa utang ng iba,

27dahil kapag hindi ka nakapagbayad,

pati ang higaan mo ay kanilang agawin.

Ikalimang Kawikaan

28Huwag mong gagalawin

ang mga batong hangganan

na inilagay ng mga ninuno mo noon.

Ikaanim na Kawikaan

29Ang taong mahusay magtrabaho

ay maglilingkod sa mga hari

at hindi sa mga pangkaraniwang tao.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help