Isaias 21 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Ang Pahayag Laban sa Babilonia

1Ang pahayag na itoʼy tungkol sa Babilonia:

Sasalakay ang mga kaaway

na parang buhawi.

Dadaan ito sa Negeb mula sa ilang,

sa nakakapangilabot na lupain.

2Nakita ko ang isang kakila-kilabot

na pangitain

tungkol sa kataksilan at kapahamakan.

Kayong mga taga-Elam at taga-Media,

palibutan ninyo ang Babilonia

at salakayin!

Wawakasan na ng Diyos

ang pagpapahirap niya sa ibang bansa.

3Dahil ditoʼy nakadama ako

ng matinding kirot sa balakang,

sumakit ang aking katawan

tulad ng babaeng manganganak.

Nalugmok ako sa aking narinig

at nagulantang ako

sa aking nakita.

4Kinakabahan ako

at nanginginig sa takot.

Sanaʼy makapagpahinga ako

paglubog ng araw,

ngunit hindi maaari,

dahil takot ako sa maaaring mangyari.

5Naghahanda sila ng piging.

Inilalatag ang mga alpombrang

uupuan ng mga tao.

Lahat silaʼy kumakain at umiinom.

Dali! Tumindig kayo, mga pinuno ng hukbo;

ihanda ang inyong mga kalasag!

6Sinabi sa akin ng Panginoon,

“Pumunta ka at maglagay

ng tagapagbantay sa lungsod

na magbabalita ng makikita niya.

7Kapag nakakita siya ng mga karwaheng

hila-hila ng magkapares na kabayo,

at mga nakasakay sa asno

o di kayaʼy nakasakay sa mga kamelyo,

dapat siyaʼy handa, handang-handa.”

8Sumigaw ang bantay,

“Panginoon, araw-gabiʼy

nagbabantay po ako sa tore.

9At ngayon, tingnan ninyo!

May taong dumarating

na nakasakay sa karwahe

na hila-hila ng dalawang kabayo.”

At sinabi pa ng bantay,

“Bumagsak na!

Bumagsak na ang Babilonia!

Ang lahat ng imahen

ng diyos-diyosan nito

ay bumagsak at nagkabasag-basag sa lupa.”

10Mga kapwa kong mga Israelita,

na parang mga trigong ginigiik,

sinasabi ko sa inyo ang mga bagay

na aking napakinggan

mula sa Panginoon ng mga Hukbo,

mula sa Diyos ng Israel.

Ang Pahayag Laban sa Edom

11Ang pahayag na itoʼy tungkol sa Edom:

May taga-Edom na tumatawag sa akin,

Tagapagbantay,

malayo pa ba ang umaga?

Kailan matatapos ang gabing ito?

12Sumagot ako,

“Mag-uumaga na

ngunit sasapit na naman ang gabi.

Kung nais mong magtanong muli,

bumalik ka para magtanong.”

Ang Pahayag Laban sa Arabia

13Ang pahayag na itoʼy tungkol sa Arabia:

Kayong mga mamamayan ng Dedan,

na pulu-pulutong na naglalakbay

at nagkakampo

sa mga ilang ng Arabia,

14dalhan ninyo ng tubig

ang mga nauuhaw.

Kayong mga nakatira sa Tema,

bigyan ninyo ng pagkain

ang mga taong nagsitakas

mula sa kani-kanilang mga lugar.

15Tumakas sila

mula sa mahigpit na labanan

at hinahabol sila

ng kanilang mga kaaway

na may mga espada at mga pana.

16Sinabi ng Panginoon sa akin, “Sa loob ng isang taon magwawakas ang kapangyarihan ng Kedar.

17Kakaunti ang matitira sa matatapang niyang sundalo na gumagamit ng pana.” Ito ang sinabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help