Salmo 26 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Salmo 26Awit na isinulat ni David.

1Patunayan nʼyo, Panginoon,

na akoʼy walang kasalanan,

dahil akoʼy namumuhay nang matuwid,

at nagtitiwala sa inyo nang walang pag-aalinlangan.

2Siyasatin at subukin nʼyo ako, Panginoon.

Suriin nʼyo ang aking pusoʼt isipan,

3dahil lagi kong naaalala ang inyong pagmamahal,

at namumuhay ako na pinanghahawakan

ang inyong katapatan.

4Hindi ako sumasama

sa mga taong sinungaling

at mapagpanggap.

5Kinaiinisan ko ang mga pagsasama-sama

ng masasamang tao,

at hindi ako nakikisama sa kanila.

6Naghuhugas ako ng kamay

upang ipakitang akoʼy walang kasalanan.

Pagkatapos, pumupunta ako sa inyong altar,

O Panginoon,

7at umaawit ng papuriʼt pasasalamat.

Sinasabi ko sa mga tao

ang lahat ng inyong mga kahanga-hangang ginawa.

8 Panginoon, mahal ko ang iyong tahanan,

na siyang kinaroroonan ng inyong kaluwalhatian.

9Huwag nʼyo po akong parusahang

kasama ng mga makasalanan,

gaya ng mga mamamatay-tao.

10Palagi silang handang gumawa ng masama,

at nanghihingi ng suhol.

11Ngunit akoʼy namumuhay nang matuwid,

kaya tubusin nʼyo ako at inyong kahabagan.

12Ngayon, ligtas na ako sa panganib,

kaya pupurihin ko kayo, Panginoon,

sa gitna ng inyong mamamayang nagtitipon-tipon.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help