Salmo 64 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Salmo 64Para sa direktor ng mga mang-aawit: Awit na isinulat ni David.

1O Diyos, pakinggan nʼyo ang daing ko!

Ingatan nʼyo ang buhay ko

mula sa banta ng aking mga kaaway.

2Ingatan nʼyo ako sa kasamaang

pinaplano nila.

3Naghahanda sila ng matatalim na salita,

na gaya ng espada at palasong nakakasugat.

4Nagsasalita sila ng masakit sa likod

ng mga taong matuwid

na parang namamana nang patago.

Bigla nila itong ginagawa

nang walang katakot-takot.

5Hinihikayat nila ang isaʼt isa

na gumawa ng kasamaan

at pinag-uusapan nila

kung saan maglalagay ng bitag.

Sinasabi nila, “Walang makakakita nito.”

6Nagbabalak sila ng masama at sinasabi,

“Napakaganda ng plano natin!”

Talagang napakatuso ng isip

at puso ng tao!

7Ngunit papanain sila ng Diyos

at bigla na lang silang masusugatan.

8Mapapahamak sila

dahil sa masasama nilang salita,

kukutyain sila

ng mga makakakita sa kanila.

9At lahat ng tao ay matatakot.

Pag-iisipan nila ang mga ginawa ng Diyos

at ipahahayag ito sa iba.

10Magagalak at manganganlong sa Panginoon

ang lahat ng matuwid.

At magpupuri sa kanya

ang mga gumagawa ng tama.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help