Salmo 27 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Salmo 27Awit na isinulat ni David.

1Ang Panginoon ang aking ilaw

at Tagapagligtas.

Sino ang aking katatakutan?

Siya ang nagtatanggol sa akin

kaya wala akong dapat katakutan.

2Kapag sinasalakay ako

ng masasamang tao

o ng aking mga kaaway

upang patayin,

sila ang nabubuwal at natatalo!

3Kahit mapaligiran ako ng maraming kawal,

hindi ako matatakot.

Kahit salakayin nila ako,

magtitiwala ako sa Diyos.

4Isang bagay ang hinihiling ko sa Panginoon,

ito ang tanging ninanais ko:

na akoʼy manirahan sa kanyang Templo habang akoʼy nabubuhay,

upang mamasdan ko ang kanyang kadakilaan,

at hilingin ang kanyang patnubay.

5Sa oras ng kagipitaʼy itatago niya ako

sa kanyang Templo,

at ilalagay niya ako

sa ligtas na lugar.

6Kaya mananaig ako sa mga kaaway ko

na nakapaligid sa akin.

Maghahandog ako sa Templo ng Panginoon

habang sumisigaw sa kagalakan,

umaawit at nagpupuri.

7Dinggin nʼyo Panginoon ang aking pagtawag.

Kahabagan nʼyo ako

at sagutin ang aking dalangin.

8 Panginoon, hinipo nʼyo ang aking puso

na lumapit sa inyo,

kaya narito ako,

lumalapit sa inyo.

9Huwag nʼyo po akong pagtaguan!

Ako na alipin nʼyo ay huwag nʼyong itakwil

dahil sa inyong galit.

Kayo na laging tumutulong sa akin,

huwag nʼyo akong iwanan at pabayaan,

O Diyos na aking Tagapagligtas.

10Iwanan man ako ng aking mga magulang,

kayo naman, Panginoon,

ang mag-aalaga sa akin.

11Ituro nʼyo sa akin ang daang

gusto nʼyong lakaran ko.

Patnubayan nʼyo ako sa tamang daan,

dahil sa mga kaaway ko

na gusto akong gawan ng masama.

12Huwag nʼyo akong ibigay sa aking mga kaaway,

dahil akoʼy kanilang pinagbibintangan

ng kasinungalingan,

at nais nilang akoʼy saktan.

13Ngunit naniniwala ako na mararanasan ko ang kabutihan nʼyo, Panginoon,

habang akoʼy nabubuhay dito sa mundo.

14Magtiwala kayo sa Panginoon!

Magpakatatag kayo

at huwag mawalan ng pag-asa.

Magtiwala lamang kayo sa Panginoon!

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help