1Ito ang mga utos at tuntunin na dapat nʼyong sundin nang mabuti habang nabubuhay kayo dito sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon, ang Diyos ng inyong mga ninuno.
2Kapag pinalayas na ninyo ang mga taong naninirahan doon, gibain ninyo ang lahat ng lugar na pinagsasambahan nila sa kanilang mga diyos-diyosan: sa matataas na mga bundok, sa mga kaburulan at sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy.
3Gibain din ninyo ang kanilang mga altar, durugin ang kanilang mga alaalang bato, sunugin ang mga posteng imahen ng kanilang diyosang si Ashera, at durugin ang imahen ng kanilang mga diyos para hindi na ito alalahanin pa sa mga lugar na iyon.
4Huwag ninyong sasambahin ang Panginoon na inyong Diyos na gaya ng paraan ng kanilang pagsamba,
5kundi hanapin ninyo ang lugar na pipiliin ng Panginoon na inyong Diyos sa lahat ng teritoryo ng inyong mga tribo. Doon niya itatatag ang kanyang pangalan at mananahan, kaya doon dapat kayo pupunta.
6Doon kayo magdadala ng mga handog ninyo na sinusunog at iba pang mga handog, ang inyong mga ikapu at ang mga gusto ninyong ialay, ang handog para tuparin ang isang panata at ang mga kusang-loob na handog, gayon din ang panganay ng inyong mga alagang hayop at kawan.
7Doon kayo kumain at ang inyong pamilya sa harapan ng Panginoon na inyong Diyos, at magsaya kayo sa lahat ng inyong nagawa dahil pinagpala kayo ng Panginoon.
8Huwag ninyong gagawin kung ano lang ang maibigan at maisipan ninyong tama tulad ng ginagawa ninyo ngayon,
9sapagkat hindi pa ninyo nararating ang lugar ng kapahingahan at ang manang ibibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Diyos.
10Kapag nakatawid na kayo sa Jordan at nanirahan sa lugar na ibinibigay ng Panginoon na inyong Diyos bilang inyong mana, mabubuhay kayo nang mapayapa dahil hindi papayag ang Panginoon na gambalain kayo ng mga kaaway sa inyong paligid.
11Pagkatapos, dalhin ninyo ang mga handog doon sa lugar na pipiliin ng Panginoon na inyong Diyos kung saan pararangalan siya. Ito ang mga handog na iniutos ko sa inyo: mga handog na sinusunog at ang iba pang mga handog, ang inyong ikapu, ang mga espesyal na regalo at ang lahat ng handog na ipinangako ninyo sa Panginoon.
12Doon kayo magsasaya sa harapan ng Panginoon na inyong Diyos, pati ang inyong mga anak, mga alipin at ang mga Levita na naninirahan sa mga bayan ninyo na walang lupang mamanahin.
13Huwag ninyong ihandog ang inyong mga handog na sinusunog sa kahit saang lugar lang na gustuhin ninyo,
14kundi, ihandog ninyo ito sa lugar ng lahi na pipiliin ng Panginoon, at doon ninyo gawin ang lahat ng iniutos ko sa inyo.
15Subalit kung hindi panghandog, maaari ninyong katayin at kainin ang hayop saanman kayo nakatira. Magpakasawa kayong kumain ng karne nito, kagaya ng pagkain ninyo ng usa at ng gasela ayon sa pagpapalang ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Diyos. Ang bawat tao ay makakakain nito, itinuturing man siyang malinis o marumi.
16Ngunit huwag ninyong kakainin ang dugo; ibuhos ninyo ito sa lupa kagaya ng tubig.
17Huwag din ninyong kainin o inumin ang mga sumusunod: ang ikapu ng inyong mga trigo, bagong alak at langis, ang panganay na anak ng inyong mga hayop, ang anumang ipinangako ninyong handog at espesyal na mga regalo, at handog na kusang-loob.
18Kundi kainin lang ninyo ito sa harapan ng Panginoon na inyong Diyos doon sa lugar na pipiliin niya kasama ng inyong mga anak, mga alipin at ng mga Levita na naninirahan sa inyong mga bayan. Magsasaya kayo sa harapan ng Panginoon na inyong Diyos sa lahat ng kanyang ginawa.
19Huwag ninyong pababayaan ang mga Levita habang nabubuhay kayo sa inyong lupain.
20Kapag napalawak na ng Panginoon na inyong Diyos ang teritoryo ninyo ayon sa ipinangako niya sa inyo, at gusto ninyong kumain ng karne, maaari kayong kumain anumang oras na gustuhin ninyo.
21Kung malayo sa inyo ang lugar na pinili ng Panginoon na kung saan ninyo siya pararangalan, maaari kayong magkatay ng inyong mga baka o tupa sa inyong lugar. At ayon sa iniutos ko sa inyo, maaari kayong magpakasawa sa pagkain ng mga hayop na ibinigay ng Panginoon sa inyo,
22katulad ng pagkain ninyo ng gasela at ng usa. Ang bawat tao ay makakakain nito, itinuturing man siyang malinis o marumi.
23Ngunit siguraduhin ninyong hindi ninyo kakainin ang dugo, dahil ang buhay ay nasa dugo, at huwag ninyong kakainin ang buhay kasama ng karne.
24Sa halip, ibuhos ninyo ang dugo sa lupa gaya ng tubig.
25Huwag ninyo itong kakainin upang maging mabuti ang kalagayan ninyo at ng inyong mga lahi, dahil ang pag-iwas sa pagkain ng dugo ay wasto sa paningin ng Panginoon.
26Dalhin ninyo sa lugar na pinili ng Panginoon ang mga bagay na ibibigay ninyo sa Panginoon at ang mga handog na ipinangako ninyo sa kanya.
27Ihandog ninyo ang dugo at karne ng inyong mga handog sa altar ng Panginoon na inyong Diyos. Dapat ninyong ibuhos ang dugo sa gilid ng altar ng Panginoon na inyong Diyos, ngunit maaari ninyong kainin ang karne.
28Sundin ninyo ang lahat ng tuntuning ito na ibinibigay ko sa inyo, para laging maging mabuti ang kalagayan ninyo at ng lahi ninyo, dahil mabuti at tama ang pagsunod sa mga ito sa paningin ng Panginoon na inyong Diyos.
29Kapag winasak na ng Panginoon na inyong Diyos ang mga bansa na sasalakayin ninyo, at pinalayas ninyo ang mga naninirahan dito at inagaw ang kanilang lugar,
30huwag kayong magpapabitag sa pamamagitan ng pagsunod sa pagsamba nila sa kanilang mga diyos. Huwag ninyong sasabihin, “Paano sila sumasamba sa kanilang mga diyos? Susundin din namin ang ginagawa nila.”
31Huwag ninyo itong gagawin para sambahin ang Panginoon na inyong Diyos, dahil sa kanilang pagsamba, ginagawa nila ang lahat ng klase ng kasuklam-suklam na bagay na kinasusuklaman ng Panginoon. Sinusunog pa nila ang mga anak nila bilang handog sa kanilang mga diyos.
32Sundin ninyo ang lahat ng iniutos ko sa inyo. Huwag ninyo itong dadagdagan o babawasan.
Who We AreWhat We EelieveWhat We Do
2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.