Hoseas 11 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Ang Pag-ibig ng Diyos sa Israel

1“Minahal ko ang Israel noong

kabataan niya.

Itinuring ko siyang anak

at tinawag ko siya mula sa Ehipto.

2Ngunit ngayon,

kahit na patuloy kong tinatawag

ang mga mamamayan ng Israel,

lalo pa silang lumayo sa akin.

Naghahandog sila

at nagsusunog ng mga insenso

sa diyos-diyosang si Baal.

3Ako ang nag-alaga sa kanila.

Inakay ko sila at tinuruang lumakad,

ngunit hindi nila kinilala na ako

ang kumalinga sa kanila.

4Pinatnubayan ko sila

nang buong pagmamahal,

tulad ng isang taong nag-aangat

ng pamatok sa baka upang mapakain ito.

5“Ngunit dahil ayaw nilang bumalik

sa akin,

babalik sila sa Ehipto,

at paghaharian sila ng Asiria.

6Lulusubin ng mga kalaban

ang kanilang mga lungsod

at sisirain ang mga tarangkahan

ng pintuan nito.

Wawakasan ng mga kaaway

ang lahat nilang balak.

7Nagpasyang lumayo sa akin

ang aking mga mamamayan.

Kaya kahit na sama-sama pa sila

na dumulog sa akin

na Kataas-taasang Diyos,

hindi ko sila tutulungan.

8“Mga taga-Israel, hindi ko magagawa

na itakwil kayo o pabayaan na lang.

Hindi ko magagawang lipulin kayo nang lubusan

gaya ng ginawa ko sa mga lungsod

ng Adma at Zeboim.

Hindi matatanggap ng aking kalooban

na gawin ko ito sa inyo.

Awang-awa ako sa inyo.

9Hindi ko na ipadarama

ang matindi kong galit;

hindi ko na gigibain ang Israel,

dahil akoʼy Diyos at hindi tao.

Ako ang Banal na Diyos

na kasama ninyo.

Hindi ako paparito

sa inyo nang may galit.

10Susunod kayo

sa akin na inyong Panginoon

kapag umatungal ako na parang leon.

Kapag umatungal na ako,

kayong mga anak ko ay uuwi

na nanginginig mula sa kanluran.

11Takot kayong darating,

nanginginig na parang mga ibon

mula sa Ehipto

o parang mga kalapating

mula sa Asiria.

Ibabalik ko kayo sa inyong mga tahanan,”

sabi ng Panginoon.

Ang Kasalanan ng Israel at Juda

12Sinabi pa ng Panginoon,

“Palagi akong pinagsisinungalingan

at niloloko ng mga taga-Israel.

Ang mga taga-Juda ay patuloy

na lumalayo sa akin,

ang Diyos na banal at tapat.”

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help