Salmo 7 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Salmo 7Ito ay isang awit na isinulat ni David tungkol kay Cush na mula sa angkan ni Benjamin. Inawit niya ito sa Panginoon.

1 Panginoon kong Diyos, nanganganlong ako sa inyo.

Iligtas nʼyo ako sa mga umuusig sa akin.

2Baka patayin nila ako,

katulad ng pagluray ng leon

sa kanyang biktima,

kung walang magliligtas sa akin.

3 Panginoon kong Diyos,

kung totoong ginawa ko

ang kasalanang ito,

4kung ginantihan ko nga ng masama

ang mabuting ginawa ng aking kaibigan,

o kung sinamsam ko ang mga ari-arian

ng aking mga kaaway

nang walang dahilan,

5hayaan nʼyong akoʼy usigin

at talunin ng aking mga kaaway.

Hayaan nʼyong akoʼy tapak-tapakan

hanggang sa mamatay,

at pabayaan sa lupa ang aking bangkay.

6O Panginoon kong Diyos,

ipakita nʼyo ang inyong galit

sa aking mga kaaway

na sobrang nagngingitngit.

Ipakita ninyo ang inyong pagiging makatarungan.

7Tipunin nʼyo ang lahat ng bansa sa palibot nʼyo,

at pamahalaan nʼyo sila mula sa langit.

8Kayo Panginoon ang humahatol sa lahat ng tao.

Patunayan nʼyo sa kanila

na mali ang kanilang mga paratang

laban sa akin.

Sapagkat alam nʼyo

na akoʼy matuwid,

at namumuhay nang wasto.

9Pigilan nʼyo ang kasamaang

ginagawa ng mga tao,

at pagpalain nʼyo ang mga matuwid,

dahil kayo ay Diyos na matuwid,

at sinisiyasat nʼyo ang aming mga pusoʼt isipan.

10Kayo, O Diyos, ang nag-iingat sa akin.

Inililigtas nʼyo ang mga namumuhay nang matuwid.

11Kayo ang matuwid na hukom,

at sa araw-araw ay ipinapakita nʼyo

ang inyong galit sa masasamâ.

12-13Kung ayaw nilang magsisi

sa kanilang mga kasalanan,

ikaw namaʼy nakahandang silaʼy parusahan.

Katulad nʼyo ay isang sundalo

na handa na ang mga nakamamatay na sandata.

Nahasa na niya ang kanyang espada,

at nakaumang na ang palasong nagbabaga.

14Mapag-isip sila ng gulo at kasamaan,

kaya nakakapanloko sila ng kapwa.

15-16Ngunit sila mismo ang mapapahamak

sa panggugulo at karahasang binabalak.

Ang katulad nila ay humuhukay ng bitag

upang mahulog ang iba,

pero sila rin ang mahuhulog

sa hinukay nila.

17Pinasasalamatan ko kayo Panginoon,

sapagkat matuwid kayo.

Aawitan ko kayo ng mga papuri,

Kataas-taasang Panginoon.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help