2 Mga Cronica 20 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Tinalo ni Jehoshafat ang Moab at Amon

1Pagkatapos, nakipaglaban ang mga Moabita at mga Amonita, kasama ng ibang mga Meunita, kay Jehoshafat.

2May mga taong pumunta kay Jehoshafat at nagsabi, “Napakarami pong sundalo ang papalapit upang lusubin kayo. Silaʼy galing sa Edom, sa kabilang bahagi ng Dagat na Patay. Naroon sila sa Hazazon-tamar” (na tinatawag ding En-gedi).

3Natakot si Jehoshafat at dumulog siya sa Panginoon. At nag-utos siya na mag-ayuno ang lahat ng taga-Juda.

4Kaya nagtipon ang mga tao mula sa lahat ng bayan ng Juda upang humingi ng tulong sa Panginoon.

5Tumayo si Jehoshafat sa harapan ng mamamayan ng Juda at ng Jerusalem doon sa harap ng Templo ng Panginoon, sa harapan ng bagong bakuran nito,

6at nagsabi,

“O Panginoon, Diyos ng aming mga ninuno, kayo po ang Diyos na nasa langit. Kayo ang namamahala sa lahat ng kaharian sa mundo. Makapangyarihan po kayo dahil walang makakalaban sa inyo.

7O Diyos namin, hindi baʼt itinaboy nʼyo po ang mga nakatira sa lupaing ito sa pamamagitan ng inyong mga mamamayan? At hindi ba ibinigay nʼyo po ito sa kanila na mga lahi ni Abraham na inyong kaibigan, upang maging kanila magpakailanman?

8Nakatira po sila rito at nagpatayo ng Templo para sa karangalan ng inyong pangalan. Sinabi nila,

9‘Kung may sakunang darating sa amin gaya ng labanan, kasamaan, o taggutom, tatayo kami sa inyong presensya sa harap ng Templong ito kung saan pinararangalan kayo. Hihingi kami ng tulong sa inyo sa aming kahirapan, at pakikinggan nʼyo kami at ililigtas.’

10“Ngayon, nilulusob kami ng mga tao mula sa Amon, Moab at Bundok ng Seir. Noon, ang mga teritoryo nila ay hindi nʼyo pinapayagang sakupin ng mga Israelita nang lumabas sila sa Ehipto. Kaya umiwas ang mga Israelita sa kanila at hindi sila nilipol.

11Ngunit ngayon, masdan nʼyo po ang iginanti nila sa amin. Nilulusob nila kami upang itaboy kami sa lupain na inyo pong ibinigay sa amin bilang mana.

12O Diyos namin, hindi nʼyo po ba sila parurusahan? Sapagkat wala kaming kakayahang humarap sa napakaraming sundalo na lumulusob sa amin. Hindi po namin alam kung ano ang gagawin namin, pero nagtitiwala po kami sa inyo.”

13Nakatayo roon ang lahat ng lalaking taga-Juda sa harap ng Panginoon, kasama ang kanilang mga asawaʼt anak, at kanilang mga sanggol.

14Pinatnubayan ng Espiritu ng Panginoon si Jahaziel na nakatayo roon kasama nila. Si Jahaziel ay anak ni Zacarias. Si Zacarias ay anak ni Benaias. Si Benaias ay anak ni Jeiel. At si Jeiel ay anak ni Matanias na Levita at mula sa angkan ni Asaf.

15Sinabi ni Jahaziel, “Makinig po kayo, Haring Jehoshafat, at lahat kayong nakatira sa Juda at Jerusalem! Ito ang sinasabi ng Panginoon sa inyo, ‘Huwag kayong matakot o manlupaypay dahil sa napakaraming sundalong ito, dahil ang pakikipaglaban ay hindi sa inyo kundi sa Diyos.

16Bukas, puntahan nʼyo sila. Makikita nʼyo sila na aahon sa ahunan ng Ziz, sa dulo ng kapatagan na papuntang ilang ng Jeruel.

17Hindi na kailangan na makipaglaban pa kayo. Maghanda lang kayo at magpakatatag, at masdan nʼyo ang katagumpayan na gagawin ng Panginoon para sa inyo. Kayong mga taga-Juda at taga-Jerusalem, huwag kayong matakot o manghina. Harapin nʼyo sila bukas at ang Panginoon ay sasáma sa inyo.’ ”

18Lumuhod si Jehoshafat at ang lahat ng taga-Juda at taga-Jerusalem sa pagsamba sa Panginoon.

19Pagkatapos, tumayo ang ibang mga Levita mula sa mga pamilya nina Kohat at Kora at nagpuri sa Panginoon, ang Diyos ng Israel, sa napakalakas na tinig.

20Kinabukasan nang maagang-maaga pa, pumunta sina Jehoshafat sa disyerto ng Tekoa. Habang naglalakad sila, huminto si Jehoshafat at nagsabi, “Pakinggan nʼyo ako, kayong taga-Juda at taga-Jerusalem! Maniwala kayo sa Panginoon na inyong Diyos, at maging matatag kayo. Maniwala kayo sa kanyang propeta, at magtatagumpay kayo.”

21Pagkatapos niyang makipag-usap sa mga tao, pumili siya ng mga mang-aawit upang mauna sa kanila at umawit sa Panginoon upang papurihan siya sa kanyang banal na presensya. Ito ang kanilang inaawit:

“Pasalamatan ang Panginoon

dahil ang kanyang pag-ibig ay walang hanggan.”

22At nang nagsimula silang umawit ng mga papuri, pinaglaban-laban ng Panginoon ang mga Moabita, Amonita at mga taga-Bundok ng Seir.

23Nilusob ng mga Amonita at Moabita ang mga sundalo ng mga taga-Bundok ng Seir at nilipol silang lahat. Pagkatapos nilang pumatay, sila naman ang nagpatayan.

24Pagdating ng mga sundalo ng Juda sa mataas na bahagi ng disyerto, nakita nila ang mga bangkay ng mga kalaban nila na nakahandusay sa lupa. Wala kahit isang buhay.

25Kaya pinuntahan ito ni Jehoshafat at ng mga tauhan niya, at sinamsam ang kanilang mga ari-arian. Marami ang kanilang nasamsam na mga gamit, mga damit, at iba pang mahahalagang bagay na halos hindi na nila madala. Inabot sila ng tatlong araw sa pagsamsam dahil sa sobrang dami ng mga ari-arian.

26Nang ikaapat na araw, nagtipon sila sa Lambak ng Beraca kung saan nagpuri sila sa Panginoon. Ito ang dahilan kung bakit tinawag itong Lambak ng Beraca hanggang ngayon.

27Pagkatapos, bumalik sila sa Jerusalem na pinangunahan ni Jehoshafat. Masaya sila dahil pinagtagumpay sila ng Panginoon sa kanilang mga kalaban.

28Pagdating nila sa Jerusalem, dumiretso sila sa Templo ng Panginoon, na tumutugtog ng mga alpa, lira at mga trumpeta.

29Nang marinig ng lahat ng kaharian kung paano nakipaglaban ang Panginoon sa mga kalaban ng Israel, natakot sila.

30Kaya may kapayapaan ang kaharian ni Jehoshafat dahil binigyan siya ng kanyang Diyos ng kapayapaan sa kanyang paligid.

Ang Katapusan ng Paghahari ni Jehoshafat(1~Hari 22:41‑50)

31Iyon ang paghahari ni Jehoshafat sa Juda. Siyaʼy tatlumpuʼt limang taóng gulang nang maging hari. Naghari siya sa Jerusalem sa loob ng dalawampuʼt limang taon. Ang kanyang ina ay si Azuba na anak ni Silhi.

32Sinunod niya ang pamumuhay ng ama niyang si Asa. Matuwid ang kanyang ginawa sa paningin ng Panginoon.

33Ngunit hindi niya ipinagiba ang mga sambahan sa matataas na lugar, at ang mga tao ay hindi pa rin naging tapat sa pagsunod sa Diyos ng kanilang ninuno.

34Ang iba pang salaysay sa paghahari ni Jehoshafat, mula simula hanggang sa katapusan ay nakasulat sa Mga Aklat ni Jehu na anak ni Hanani, na kasama sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.

35Ngunit sa mga huling bahagi ng paghahari ni Jehoshafat sa Juda, nakipag-alyansa siya kay Haring Ahazias ng Israel, na isang masamang tao.

36Nagkasundo sila na magpagawa ng mga barko na pang-negosyo. Ipinagawa nila ito sa piyer ng Ezion-geber.

37Kaya si Eliezer na anak ni Dodavahu na taga-Maresa ay nagpahayag ng propesiya laban kay Jehoshafat, “Dahil kumampi ka kay Ahazias, gigibain Panginoon ang ipinagawa ninyo.” Kaya nagiba ang barko at hindi ito nakapaglakbay.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help