Salmo 28 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Salmo 28Awit na isinulat ni David.

1Tumatawag ako sa inyo, Panginoon,

ang aking Batong kanlungan.

Dinggin nʼyo ang aking dalangin!

Dahil kung hindi, matutulad ako

sa mga patay na nasa libingan.

2Pakinggan nʼyo ang aking pagsusumamo!

Humingi ako sa inyo ng tulong,

habang itinataas ang aking mga kamay

sa harap ng inyong banal na Templo.

3Huwag nʼyo akong parusahan

kasama ng masasamâ.

Nagkukunwari silang mga kaibigan,

pero ang plano palaʼy pawang kasamaan.

4Gantihan nʼyo sila ayon sa kanilang mga gawa.

Parusahan nʼyo sila ayon sa masama nilang gawa.

5Dahil binabalewala nila

ang mga gawa ng Panginoon,

gigibain nʼya sila at hindi na

ibabangon muli.

6Purihin ang Panginoon,

dahil pinakinggan nʼya ang aking pagsusumamo.

7Kayo ang nagpapalakas

at nag-iingat sa akin.

Nagtitiwala ako sa inyo nang buong puso.

Tinutulungan nʼyo ako,

kaya nagagalak ako at umaawit ng pasasalamat.

8Kayo, Panginoon, ang kalakasan

ng inyong mga mamamayan.

Iniingatan nʼyo ang inyong haring hinirang.

9Iligtas nʼyo po at pagpalain ang mga mamamayang pag-aari ninyo.

Katulad ng isang pastol,

bantayan nʼyo sila,

at kalungin magpakailanman.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help