Zefanias 2 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Panawagan para Magsisi

1Magtipon kayo at magsama-sama,

kayong mga bansang walang kahihiyan,

2bago dumating ang itinakdang araw

na kayoʼy palalayasin

at ipapadpad na parang mga ipa.

Magsisi na kayo bago dumating

ang araw ng pagbuhos ng Panginoon

ng kanyang matinding poot.

3Kayo namang mga mapagpakumbaba

at sumusunod sa mga utos ng Panginoon,

hanapin ninyo siya.

Ipagpatuloy ninyong itaguyod

ang katuwiran at pagpapakumbaba.

Baka sakaling ingatan kayo ng Panginoon

sa araw na ibuhos niya ang kanyang galit.

Parusa sa Bansang Filistia

4Wala nang titira sa Gaza

at iiwang wasak ang Ashkelon.

Wala nang tao sa Asdod

pagdating ng tanghaling tapat,

at lalayas na ang mga mamamayan ng Ekron.

5Nakakaawa kayong mga Kereteo

na nakatira sa tabing-dagat.

Ito ang sinasabi ng Panginoon

laban sa inyo:

“Kayong mga Filisteo sa Canaan,

lilipulin ko kayo,

at walang matitira sa inyo.”

6Kaya ang inyong mga lupain

sa tabing-dagat

ay magiging pastulan

at kulungan ng mga tupa.

7Sasakupin iyon

ng natitirang mga taga-Juda.

Doon sila magpapastol

ng kanilang mga hayop

at pagsapit ng gabi

ay matutulog sila

sa mga bahay sa Ashkelon.

Kahahabagan sila

ng Panginoon na kanilang Diyos

at pauunlarin silang muli.

Parusa sa mga Bansa ng Moab at Amon

8Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan,

ang Diyos ng Israel,

“Narinig ko ang pang-iinsulto

at panunuya ng mga taga-Moab at Amonita

sa aking mga mamamayan.

Ipinagyayabang nilang kaya nilang sakupin

ang lupain ng aking mga mamamayan.

9Kaya isinusumpa ko,”

wika ng Makapangyarihang Panginoon,

ang Diyos ng Israel,

“na wawasakin ko ang Moab at Amon

katulad ng Sodoma at Gomora.

At ang lupain ng Israel

ay hindi na mapapakinabangan

habang panahon.

Tutubuan ito ng mga matitinik na damo,

at mapupuno ng mga hukay

na gawaan ng asin.

Lulusubin ito

ng natitira kong mga mamamayan

at sasamsamin nila

ang mga ari-arian nito.”

10Sinabi ni Zefanias:

Iyan ang ganti sa pagyayabang

ng mga taga-Moab at Amonita.

Sapagkat ipinapahiya nila

at nilalait ang mga mamamayan

ng Panginoon ng mga Hukbo.

11Sisindakin sila ng Panginoon

dahil lilipulin niya ang lahat

ng mga diyos-diyosan

sa buong mundo.

At sasambahin siya ng mga tao

sa lahat ng bansa

sa kani-kanilang bayan.

Ang Parusa sa mga Bansa ng Etiopia at AsiriaEtiopia

12Sinabi ng Panginoon,

“Kayo ring mga taga-Etiopia,

ipapapatay ko kayo sa digmaan.”

Asiria

13Parurusahan ko rin ang Asiria

na nasa hilaga.

Magiging tulad ng ilang ang Nineve,

tigang na parang disyerto.

14Magiging pastulan ito

ng mga baka, kambing,

at ng ibaʼt ibang uri

ng mga hayop sa kawan.

Dadapo ang mga kuwago

sa mga nasirang haligi,

at maririnig ang kanilang huni

sa mga bintana.

Masisira ang mga pintuan

at matatanggal ang mga sedrong

kahoy nito.

15Ganyan ang mangyayari

sa lungsod ng Nineve,

na nagmamalaki na walang

sasalakay sa kanila

at walang hihigit sa kanila.

Ngunit lubusang mawawasak

ang lungsod na iyon

at titirhan na lamang

ng mga hayop sa gubat.

At ang bawat dadaan doon

ay kukutyain sila,

at masisindak sa sinapit nito.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help