Joel 1 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

1Ito ang salita ng Panginoon na ipinahayag niya kay Joel na anak ni Petuel.

Ang Paglusob ng mga Balang

2Kayong mga tagapamahala ng Juda,

makinig kayo;

lahat ng nakatira sa lupaing ito,

dinggin ninyo ang sasabihin ko.

May nangyari na bang katulad nito

sa panahon ninyo

o sa panahon ng inyong mga ninuno?

3Kailangang isalaysay ito

sa bawat henerasyon ng inyong lahi.

4Sunod-sunod na sumalakay

ang mga pulutong ng balang.

Ang mga naiwang tanim

na hindi naubos ng unang pulutong

ay kinain ng sumunod na pulutong

hanggang sa naubos ang mga tanim.

5Kayong mga lasenggo,

bumangon kayo

at umiyak nang malakas!

Sapagkat wala na kayong maiinom;

wala nang bunga ang mga ubas

na gagawing alak.

6Ang lupain ng Panginoon

ay sinalakay ng napakaraming balang.

Matatalas ang kanilang mga ngipin

tulad ng mga pangil ng leon.

7Sinira nila ang mga tanim

na ubas ng Panginoon

at ang kanyang mga puno ng igos.

Nginatngat nila ang mga balat nito

hanggang sa mamuti ang mga sanga.

8Magluksa kayo katulad ng isang dalaga

na nakadamit ng sako;

umiiyak dahil namatayan

ng mapapangasawa.

9Sapagkat wala nang butil o inumin

na maihahandog

sa templo ng Panginoon,

kaya nagluluksa ang mga paring

naglilingkod sa kanya.

10Nasalanta ang mga bukirin

na parang taong nagdadalamhati.

Nasira na ang mga trigo,

at wala na ang katas ng ubas at langis.

11Kayong mga magsasaka,

dapat kayong malungkot!

Kayong mga tagapangalaga ng ubasan,

umiyak kayo nang malakas!

Sapagkat nasira ang aanihing

mga trigo at sebada.

12Nalanta ang mga tanim na ubas

at ang lahat ng puno,

pati na ang mga igos,

pomegranata, palma, at mansanas.

Tuluyan nang nawala

ang kaligayahan ng mga tao.

Panawagan ng Pagsisisi

13Kayong mga paring naglilingkod

sa altar ng aking Diyos,

magsuot kayo ng sako

at pumunta sa templo

at umiyak buong magdamag.

Sapagkat wala nang butil o inumin

na ihahandog

sa templo ng inyong Diyos.

14Sabihin ninyo sa mga tagapamahala ng Juda

at sa lahat ng kanyang mamamayan

na pumunta silang lahat sa templo

ng Panginoon na inyong Diyos

at mag-ayuno.

Humingi sila ng tulong

sa Panginoon.

15Naku! Malapit na ang araw

ng paghatol ng Panginoon.

Darating ito mula sa Makapangyarihan

at magdadala ng kapahamakan.

16Nakita natin mismo kung paano tayo

nawalan ng pagkain

at kung paano nawala ang kagalakan

sa Templo ng Diyos.

17Namatay ang mga binhi sa tigang na lupa.

At dahil natuyo ang mga butil,

wala nang laman ang mga bodega,

kaya nagiba na lamang ang mga ito.

18Umaatungal ang kawan ng hayop

dahil sa gutom.

Gumagala ang mga baka

na naghahanap ng makakain,

pati ang mga tupa ay nagdurusa.

19 Panginoon, nananawagan po

ako sa inyo,

dahil natuyo na ang mga pastulan

at ang lahat ng punongkahoy sa bukirin,

na parang nilamon ng apoy.

20Maging ang mga hayop sa gubat

ay dumadaing sa inyo,

dahil tuyong-tuyo na

ang mga ilog at mga sapa,

at tuyo na rin ang mga pastulan,

na parang nilamon ng apoy.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help