Salmo 19 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Salmo 19Para sa direktor ng mga mang-aawit: Awit na isinulat ni David.

1Ipinapakita ng kalangitan

ang kaluwalhatian ng Diyos!

Inihahayag ng kalawakan

ang gawa ng kanyang mga kamay.

2Araw-araw, sinasabi ng kalangitan

ang tungkol dito,

gabi-gabi, ipinaaalam ng kalawakan

ang tungkol sa kanyang kapangyarihan.

3Kahit walang salita o tinig

na mula sa kanilaʼy naririnig,

4napapakinggan pa rin sa buong daigdig

ang kanilang salitaʼt tinig.

Doon sa kalangitan,

iginawa ng Diyos ang araw ng tirahan.

5Tuwing umagaʼy sumisikat ito

katulad ng isang lalaking ikakasal

na masayang lumalabas

ng kanyang tahanan.

O kayaʼy isang manlalarong kampeon

na sabik na sabik sumabak sa takbuhan.

6Itoʼy sumisikat sa silangan,

at lumulubog sa kanluran;

walang di mahahagip ng init

nitong taglay.

7Ang kautusan ng Panginoon

ay walang kamalian.

Itoʼy nagbibigay sa atin

ng bagong kalakasan.

Ang mga turo ng Panginoon

ay mapagkakatiwalaan,

at nagbibigay karunungan

sa mga kulang sa kaalaman.

8Ang mga tuntunin ng Panginoon ay tama

at sa pusoʼy nagbibigay kagalakan.

Ang mga utos ng Panginoon ay malinaw

at nagbibigay-liwanag sa kaisipan.

9Ang pagkatakot sa Panginoon

ay nagpapadalisay ng puso;

mananatili ito magpakailanman.

Ang mga utos ng Panginoon

ay matuwid

at makatarungan.

10Ang mga itoʼy higit pa kaysa ginto

kahit pa sa purong ginto,

at mas matamis pa

kaysa sa pulot-pukyutan.

11Ang inyong mga utos,

ay nagbibigay babala sa akin

na inyong lingkod.

May dakilang gantimpala

kapag itoʼy aking sinusunod.

12Hindi namin napapansin

ang aming mga kamalian.

Kaya linisin po ninyo ako

sa mga kasalanang hindi ko nalalaman.

13Ilayo rin ninyo ako

sa kasalanang sadya kong ginagawa.

Huwag po ninyong payagan

na alipinin ako nito.

At mamumuhay ako

nang walang kapintasan,

lubos na lalaya

sa maraming kasalanan.

14Nawaʼy maging kalugod-lugod sa inyo Panginoon

ang aking iniisip at sinasabi.

Kayo,

ang aking batong kanlungan

at tagapagligtas!

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help