Salmo 96 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Salmo 96(1~Cro. 16:23‑33)

1Kayong mga tao sa buong mundo,

umawit kayo ng mga bagong awit sa Panginoon!

2Awitan ninyo ang Panginoon

at purihin ang kanyang pangalan.

Ipahayag ninyo sa bawat araw

ang tungkol sa pagligtas niya sa atin.

3Ipahayag ninyo sa lahat ng mamamayan

sa mga bansa

ang kanyang kapangyarihan

at mga kahanga-hangang gawa.

4Dahil dakila ang Panginoon,

at karapat-dapat papurihan.

Dapat siyang katakutan nang higit pa

kaysa anumang mga diyos.

5Sapagkat ang lahat ng diyos ng ibang mga bansa

ay pawang diyos-diyosan lamang.

Ngunit ang Panginoon, siya ang lumikha ng langit.

6Nasa kanya ang kapangyarihan

at karangalan;

at nasa Templo niya ang kalakasan

at kagandahan.

7Purihin ninyo ang Panginoon,

kayong lahat ng tao sa mundo.

Purihin ninyo ang kanyang kaluwalhatian at kapangyarihan.

8Ibigay ninyo sa Panginoon ang mga papuring

nararapat sa kanya.

Magdala kayo ng mga handog

at pumunta sa Templo.

9Sambahin ninyo ang kabanalan ng Panginoon.

Matakot kayo sa kanya,

kayong lahat ng nasa sanlibutan.

10Sabihin ninyo sa mga bansa,

“Naghahari ang Panginoon!”

Matatag ang daigdig na kanyang nilikha

at hindi ito matitinag.

Hahatulan niya ang mga tao

nang walang kinikilingan.

11-12Magalak ang kalangitan at mundo,

pati ang mga karagatan, bukirin

at ang lahat ng nasa kanila.

Lahat ng mga puno sa gubat

ay umawit sa tuwa

13sa presensya ng Panginoon.

Dahil tiyak na darating siya upang hatulan

ang mga tao sa mundo

batay sa kanyang katuwiran at katotohanan.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help