Mangangaral 1 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Walang Kabuluhan ang Lahat

1Ito ang sinabi ng mangangaral na anak ni David na hari sa Jerusalem:

2“Walang kabuluhan!”

sabi ng Mangangaral.

“Tunay na walang kabuluhan!

Ang lahat ay walang kabuluhan.”

3Ano ang pakinabang ng tao

sa pagpapakahirap niyang

magtrabaho sa mundong ito?

4Lumilipas ang isang henerasyon

at itoʼy napapalitan,

pero ang mundo ay hindi nagbabago.

5Sumisikat ang araw

at pagkatapos ay lumulubog;

pabalik-balik lang

sa kanyang pinanggalingan.

6Umiihip ang hangin sa timog

at pagkatapos ay iihip

naman sa hilaga.

Paikot-ikot lang ito

at pabalik-balik.

7Lahat ng ilog ay umaagos sa dagat,

pero hindi naman napupuno ang dagat

kahit na patuloy ang pag-agos ng ilog.

8Ang lahat ng itoʼy nakakabagot

at ayaw na ngang pag-usapan.

Hindi nagsasawa

ang mga mata natin sa katitingin

at ang mga tainga natin sa pakikinig.

9Ang mga nangyari noon,

nangyayari ulit ngayon.

Ang mga ginawa noon,

ginagawa ulit ngayon.

Walang nangyayaring bago

sa mundo.

10May mga bagay pa ba

na masasabi mong bago?

Nariyan na iyan noon pa,

kahit noong hindi pa tayo ipinapanganak.

11Hindi na natin naaalala

ang mga nangyari noon;

ganoon din sa hinaharap,

hindi rin ito maaalala ng mga tao

sa bandang huli.

Ang Karunungan ng Tao ay Walang Kabuluhan

12Ako na isang mangangaral ay naging hari ng Israel. Tumira ako sa Jerusalem.

13Sa aking karunungan, pinag-aralan kong mabuti ang lahat ng nangyayari rito sa mundo. At nakita kong napakahirap ng gawaing ibinigay ng Diyos sa mga tao.

14Nakita kong walang kabuluhan ang lahat ng ginagawa ng tao rito sa mundo. Para kang humahabol sa hangin.

15Ang baluktot ay hindi mo maitutuwid

at ang wala ay hindi mo maibibilang.

16Sinabi ko sa aking sarili, “Mas marunong ako kaysa sa lahat ng naging hari sa Jerusalem. Marami akong alam.”

17Pinag-aralan kong mabuti ang pagkakaiba ng karunungan at kamangmangan, pero nakita kong wala rin itong kabuluhan. Para kang humahabol sa hangin.

18Dahil habang nadadagdagan

ang kaalaman ko,

nadadagdagan din ang aking kalungkutan.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help