Pahayag 7 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Tinatakan ang 144,000

1Pagkatapos nito, nakita kong nakatayo ang apat na anghel sa apat na sulok ng mundo. Pinipigilan nila ang apat na hangin upang hindi umihip sa lupa, sa dagat, o sa alinmang punongkahoy.

2At nakita ko ang isa pang anghel na galing sa silangan na taglay ang pantatak ng buháy na Diyos. Sumigaw siya sa apat na anghel na binigyan ng Diyos ng kapangyarihang maminsala sa lupa at dagat.

3Sinabi niya, “Huwag muna ninyong pinsalain ang lupa, ang dagat o ang mga punongkahoy hanggaʼt hindi pa natin natatatakan sa noo ang mga lingkod ng ating Diyos.”

4Ayon sa narinig ko, 144,000 ang lahat ng tinatakan mula sa labindalawang lahi ng Israel.

5Labindalawang libo mula sa lahi ni Juda ang tinatakan;

labindalawang libo mula sa lahi ni Ruben;

labindalawang libo mula sa lahi ni Gad;

6labindalawang libo mula sa lahi ni Asher;

labindalawang libo mula sa lahi ni Neftali;

labindalawang libo sa lahi ni Manases;

7labindalawang libo mula sa lahi ni Simeon;

labindalawang libo mula sa lahi ni Levi;

labindalawang libo mula sa lahi ni Isacar;

8labindalawang libo mula sa lahi ni Zebulun;

labindalawang libo mula sa lahi ni Jose;

labindalawang libo mula sa lahi ni Benjamin.

9Pagkatapos nito, nakita ko ang napakaraming tao na hindi mabilang sa dami. Nagmula sila sa lahat ng bansa, angkan, lahi at wika. Nakatayo sila sa harap ng trono at ng Kordero. Nakadamit silang lahat ng puti at may hawak na mga palaspas.

10Sumisigaw sila nang malakas,

“Ang kaligtasan ay mula sa Diyos

na nakaupo sa trono,

at sa Kordero.”

11Tumayo ang mga anghel na nakapalibot sa trono, sa mga pinuno, at sa apat na buháy na nilalang. At nagpatirapa sila sa harap ng trono at sumamba sa Diyos.

12Sinabi nila,

“Amen!

Ang Diyos natin ay dapat purihin,

sambahin, pasalamatan at parangalan.

Nalalaman niya ang lahat,

at nasa kanya ang lahat ng kapangyarihan at kalakasan.

Purihin siya magpakailanman!

Amen!”

13Tinanong ako ng isa sa dalawampuʼt apat na pinuno, “Sino ang mga taong iyon na nakadamit ng puti, at saan sila nanggaling?”

14Sumagot ako, “Hindi ko po alam. Kayo po ang nakakaalam.”

At sinabi niya sa akin, “Sila ang mga dumaan sa matinding paghihirap. Nilinis at pinaputi nila ang kanilang mga damit sa pamamagitan ng dugo ng Kordero.

15Kaya,

nasa harap sila ng trono ng Diyos.

Naglilingkod sila sa kanya

araw at gabi sa kanyang Templo.

At ang Diyos na nakaupo sa trono

ang siyang kublihan nila.

16Hindi na sila magugutom

o mauuhaw pang muli.

At hindi na rin mabibilad

o mapapaso sa sinag ng araw.

17Sapagkat ang Korderong nasa trono

ang magiging pastol nila,

at silaʼy dadalhin sa mga bukal na nagbibigay-buhay.

At papahirin ng Diyos ang luha

sa kanilang mga mata.”

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help