Salmo 56 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Salmo 56Para sa direktor ng mga mang-aawit: Awit na isinulat ni David tungkol pagdakip sa kanya ng mga Filisteo sa Gat. Inaawit ito sa tono ng awiting, “Ang Kalapati sa Terebinto na nasa Malayong Lugar.”

1O Diyos, maawa kayo sa akin

sapagkat sinasalakay ako ng aking mga kaaway.

Palagi nila akong pinahihirapan.

2Kinukutya nila ako at laging sinasalakay.

Sa kanilang pagmamataas,

akoʼy kanilang kinakalaban.

3Kapag akoʼy natatakot, sa inyo ako magtitiwala.

4O Diyos, pinupuri ko kayo dahil sa inyong pangako.

Hindi ako matatakot dahil nagtitiwala ako sa inyo.

Ano baʼng magagawa ng isang hamak na tao sa akin? Wala!

5Binabaluktot lagi ng aking mga kaaway

ang mga sinasabi ko.

Lagi silang nagpaplano na saktan ako.

6Nagsasama-sama sila at nagsisipagtago,

binabantayan nila ang lahat ng kilos ko

at naghihintay ng pagkakataon

upang patayin ako.

7Huwag nʼyo silang hayaang matakasan

ang parusa ng kanilang kasamaan.

Ibagsak ninyo ang mga bansa

sa inyong matinding galit, O Diyos.

8Nalalaman nʼyo ang aking kalungkutan

at napapansin nʼyo ang aking

mga pag-iyak.

Hindi baʼt inilista nʼyo ito sa inyong aklat?

9Kapag tumawag ako sa inyo, O Diyos,

magsisitakas ang aking mga kaaway.

Alam ko ito dahil ikaw

ay aking kakampi.

10 Panginoong Diyos, pinupuri ko kayo

dahil sa inyong mga salita at pangako.

11Hindi ako matatakot dahil nagtitiwala ako sa inyo.

Ano baʼng magagawa ng isang

hamak na tao sa akin? Wala!

12Tutuparin ko, O Diyos,

ang mga pangako ko sa inyo.

Maghahandog ako ng alay

bilang pasasalamat sa inyo.

13Dahil iniligtas nʼyo ako sa kamatayan

at hindi nʼyo ako pinabayaang madapa.

Para mamuhay akong kasama kayo, O Diyos,

sa inyong liwanag na nagbibigay-buhay.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help